Ni REGGEE BONOAN

MASARAP katsikahan ang mommy ni Riva Quenery na si Ms. Sally dahil marami siyang kuwento tungkol sa kanyang unica hija. High school pa lang ay mahilig na palang mag-post ng video at dahil wala naman silang nakikitang masama sa ginagawa nito ay hinayaan lang nila.

RIVA copy

Ngayon, pinagkakakitaan na ito ng dalaga.

Kalokalike ni Awra Briguela, mas maganda pa raw sa kaniya

Dentistry student si Riva sa University of the East pero huminto dahil naging busy na sa pagiging vlogger na naging career na niya at full support pa rin ang pamilya niya.

Iilan pa lang ang nakakaalam na true-to-life general’s daughter si Riva. Ang kanyang daddy na si General Robert Quenery ang kasalukuyang Regional Director ng Central Visayas (Region 7). PMA Class 85 si General Quenery at ayon kay Ms. Sally ay hindi ipinaramdam sa mga anak nila ang pagiging military man nito.

“Pagdating niya ng bahay, hinuhubad kaagad niya ang uniform niya at hindi namin napag-uusapan ang tungkol sa trabaho niya, gusto niya normal ang takbo ng buhay ng mga anak namin. Kung gaano siya kahigpit sa labas trabaho niya, kabaligtaran sa bahay namin, sa mga anak namin. Hindi siya istrikto,” kuwento ng beautiful mommy ni Riva.

Sa Q&A ng presscon ni Riva kahapon para sa kanyang birthday concert sa Mayo 27 sa SM Skydome, tinanong namin siya kung ano ang mga itinuro sa kanya ng daddy niya.

“Isinasama po niya ako sa exercises nila like running, obstacle course, ang hirap po pala, hindi ko kinakaya maski po sumasayaw ako nahihirapan ako. Hindi lang po natutuloy ‘yung sa firing,” sagot ng dalaga.

Hindi pumasok sa isipan ni Riva na pasukin ang military.

“Malabo po sa arte kong ito, hindi ko po kakayanin,” saad ng dalaga.

Maging ang dalawang kuya ni Riva ay hindi rin pinangarap na maging sundalo. Ang kanilang panganay ay chef at kasalukuyan pang nag-aaral ang ikalawa.

Nagsimula noong 2016 ang pagiging professional vlogging ni Riva.

“Dati ay nag-a-upload pa lang ako sa YouTube ng mga videos, hindi ko pa po trabaho ‘yun, more of a hobby lang po. ‘Tapos nu’ng nanood ako ng nanood ng ibang youtubers, may mga naging inspirations at naisip ko na mag-try ko na mag-vlog ‘tapos nag-upload din ako ng covers, at kung ano pa po ‘yung request ng supporters po. ‘Yung sa self-vlogging nakikita nila ‘yung pagiging raw at kung paano ka tumawa, ako na rin ang nag-i-edit at bahalang mag-isip ng concept.”

Klinaro ni Riva na hindi siya umalis sa Girltrends na napapanood sa It’s Showtime kundi management decision daw.

Mas napaganda ang kalagayan ni Riva dahil nagkaroon siya ng career bilang vlogger at may birthday concert na sa Mayo 27 sa SM Skydome -- may titulong Rivlog Live! At guests niya sina Krissha Viaje, Sammie Rimando, Zeus Collins, Awra Briguera at Maris Racal.

Ayon kay Riva, nakaugalian na niyang tumulong sa street children tuwing kaarawan niya.

“Naisip ko na what a better way to celebrate it than to make my supporters happy and then ‘yung mga less fortunate na tao.”

Bukod sa vlogging ay passion ni Riva ang pagsasayaw, kaya siya napasali sa Girltrends at naging miyembro rin ng Power Impact na nanalong 3rd place sa Team Division sa World Dance Manila 2018 at nakatakdang lumaban muli sa World Dance na gaganapin sa Los Angeles, California ngayong taon.

Ang Rivlog Live ay produced ni Hermie Carreron at ididirihe ni Marvin Caldito. Para sa tickets, maaaring bumisita sa www.smtickets.com