Ni Mary Ann Santiago
Nakahanda na ang Manila Electric Company (Meralco) sa pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Lunes.
Naka-standby na ang 180 generator sets ng kumpanya para magamit sakaling mawalan ng supply ng kuryente sa mga polling centers at canvassing areas sa kasagsagan ng eleksiyon, lalo na sa bilangan ng boto.
Naglaan din ang kumpanya ng 300 floodlight na maaaring gamitin kapag nagkaroon ng emergency sa panahon ng halalan.
Sa kabila nito, inabisuhan din ng Meralco ang mga bantay sa mga polling center na magdala ng kanilang backup lights at magpatupad ng extra precautionary measures.
“These generator sets intend to provide basic lighting to polling and canvassing places in case of unexpected power interruptions. More than 300 floodlights will also be ready for deployment and use in case of emergencies,” sabi pa ng kumpanya.
Walong power supplier ang inilaan ng kumpanya na kayang magbigay ng kuryente ang ilang lugar sa Luzon, kabilang ang 36 na lungsod at 75 munisipalidad, kabilang na ang Metro Manila.