HINDI mapigil ang sangkaterbang reklamong natatanggap ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagsasamantala ng mga “fixer” at “scammer” na nagkalat sa social media, at maging sa loob at labas ng mga tanggapan na pinagkukuhanan ng pasaporte ng mamamayang gustong mangibang bansa.
Sa dami kasi ng mga kababayan nating gustong magkaroon ng pasaporte, lalo pa nitong sinimulan ng DFA ang pag-iisyu ng passport na “valid for 10 years”, dumarami ang mga taong nabibiktima ng mga “fixer” at “scammer” na gustong mag-shortcut o mapabilis ang pagkuha nito.
Kaya naman magkakasunod halos ang mga pamamaraan na inilulunsad ng DFA upang mapabilis at mailapit sa mga tao ang pagpoproseso ng passport para mawalan ng pagkakataong makapagsamantala ang mga manloloko sa mga nagmamadaling aplikante.
Kasama sa mga pamamaraang ito, ang halos kasabay nang pagbubukas ng dalawang DFA-Consular Office sa Ilocos Norte sa Mayo 8 at ng sa Santiago, Isabela sa Mayo 15 – ang nakatakdang paglabas ng karagdagang apat na van para sa Passport on Wheels, na dumating sa bansa noong Biyernes, at gugulong na sa Mayo 15 para magamit ng publiko, matapos ang masusing inspeksyon, pagpapatakbo at training ng mga tauhan nito.
Sa paglabas ng mga van na ito, umabot na sa walo ang bilang ng mga van na ginagamit sa programa ng DFA na “Passport on Wheels”, na malaking tulong upang mapabilis ang pagpoproseso ng mga bago o mga na-renew na mga pasaporte.
“DFA will continue to exert all efforts to make passport services accessible to our people wherever they are in the country,” sabi ni Secretary Alan Peter S. Cayetano.
Ang proyektong ito ay nagsimula nito lamang Enero 15 ng taong ito, at nakaikot na sa mahigit 82 siyudad at mga munisipyo sa malalayong lugar, gaya ng sa northern Luzon, kabilang dito ang Ilocos Norte, at maging sa Davao City sa Mindanao. Umabot na sa kabuuang bilang na 94,422 passport applicants ang napaglingkuran ng “Passport on Wheels” sa loob lamang ng halos tatlong buwan na pag-ooperate nito.
Ang mga dating gamit na van ay kumpleto sa mga high-tech na kagamitan, gaya ng limang Data Capturing Machines na may kakayanang mag proseso ng 500 applications. Subalit ang mga bagong dagdag na van ay mas mabilis magproseso - kaya nitong magserbisyo ng mahigit 4,000 aplikante araw-araw.
Ayon pa sa DFA, magdadagdag ang departamento ng dalawa pang MEGAVAN sa susunod na mga buwan sa taon ding ito, upang mas mapataas ang kapasidad na magproseso ng pasaporte ang proyektong “Passport on Wheels”, na malaking tulong sa pakikibaka ng DFA sa mga “fixer” at “scammer” na mabilis umanong nababawasan, kundi man nila muna lubusang masugpo.
Dito sa Metro Manila, ang “Passport on Wheels” ng DFA ay bukas tuwing araw ng Sabado sa Aseana office, pinapalawak nito ang courtesy lanes sa mga sector na kailangan ito, at mahigpit ang pagbabantay sa mga opisina upang ‘di makasingit ang mga makukulit na “fixer” at “scammer” na nagkalat sa paligid ng tanggapan.
Tandaan lang ng mga gustong makakuha ng passport -- na ang pag-schedule ng appointment ONLINE ay libre at wala ni singkong kabayaran. Ang mga Facebook post naman na gumigimik sa pagsasabing makapagbibigay sila ng passport appointments, ay pawang mga panloloko lamang o scam!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]