LAMAN ng mga balita ang mga guro sa nakalipas na mga araw, at mismong si Education Secretary Leonor Briones ang umapela noong nakaraang linggo laban sa pagpapataw ng buwis sa honoraria na ibabayad sa mga guro sa mga pampublikong eskuwelahan na magsisilbi sa eleksiyon sa Lunes, Mayo 14. Katwiran nito, dapat nga ay tinaasan pa ang nasabing bayad.
Alinsunod sa Election Service Act, RA 10756, ang mga gurong bubuo sa mga election board ay tatanggap ng P5,000, habang P6,000 naman ang tatanggapin ng board chairman. Tatanggap naman ng P4,000 ang superbisor ng Department of Education, habang P2,000 naman ang para sa support staff. Bawat isa sa kanila ay mayroong transportation allowance na P1,000.
Para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Mayo 14, magpapataw ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng limang porsiyentong withholding tax sa honoraria at transportation allowances. Binigyang-diin naman ni Secretary Briones na kailanman ay hindi pa binuwisan ang halagang ibinabayad sa mga gurong nagsisilbi sa eleksiyon. Idinagdag pa ng Alliance of Concerned Teachers na hindi pa nga sapat ang P1,000 transportation allowance para sa mga guro na kinakailangang bumiyahe nang ilang beses sa pagitan ng mga voting precinct at mga tanggapan ng Commission on Elections kung saan nila kinukuha at isinasauli ang mga gagamitin sa halalan.
Sa kaparehong linggo, pinagtuuunan ni Pangulong Duterte ng atensiyon ang mga guro sa bansa. Ang mga guro ang susunod na tatanggap ng umento, ayon sa kanya—hindi lamang doble gaya ng ipinagkaloob sa mga sundalo at pulis. Ikinonsidera ng Pangulo ang mga ulat na maraming guro ang napipilitang magsangla ng kani-kanilang ATM sa labis na pagkabaon sa utang.
Mayroon nang nakabimbing panukala sa Senado, inakda ni Senator Juan Edgardo Angara, chairman ng Senate Committee on Ways and Means, upang itaas ang suweldo ng mga guro na, ayon sa kanya, “among the most underpaid workers, given their workload and role in society… Kung mayroong karapat-dapat na taasan ang sahod, sila ang ating mga guro.” Sa pamamagitan ng panukala ni Angara, itataas ang minimum salary level ng mga guro mula sa Salary Grade 11, ay magiging Salary Grade 19. Mangangahulugang madodoble ang buwanang sahod ng mga ito, na mula sa P20,179 ay tatanggap na ng P42,099.
Napakagandang balita nito para sa ating mga guro, na hindi matatawaran ang mahalagang papel sa ating lipunan. Kung itataas ang kanilang suweldo, mas maraming kuwalipikado at mahuhusay na guro ang maeengganyong magturo sa mga pampublikong paaralan, upang hubugin ang kakayahan ng mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino, ayon kay Senator Angara.
Maaaring matagalan pa bago maisakatuparan ang panukalang ito sa Senado, dahil sangkot sa usapin ang kawing-kawing na isyu sa budget, na kinakaharap ngayon ng gobyerno. Sa ngayon, umasa tayong pagtutuunan ng pamahalaan ang agarang usapin sa pagbubuwis sa ibabayad sa mga guro na magsisilbi sa eleksiyon sa Lunes. Maaaring imposible nang umapela para sa dagdag na ibabayad ng Comelec sa kanila dahil gahol na sa panahon, subalit ang panawagan na huwag nang kaltasan ng limang porsiyentong buwis ang kanilang masisingil ay marapat lamang na seryosong ikonsidera