Ni Celo Lagmay

SA paglulunsad ng Worldwide Walk to Fight Poverty (WWFP), lalong tumibay ang aking paniniwala na talagang kailangan ang sama-samang pagsisikap upang labanan ang karukhaan. Ang paglutas sa naturang problema ay obligasyon hindi lamang ng gobyerno kundi ng iba’t ibang sektor ng sambayanan, lalo na ng mga may malasakit sa nagugutom nating mga kapatid.

Totoo na ang Duterte administration ay nagbunsod na ng mga programa upang sugpuin ang pagkagutom na hanggang ngayon ay tila talamak pa sa kanayunan; maliwanag na hindi pa nadadama ng ating mga kababayan ang biyayang nakalaan sa tinatawag na laylayan ng komunidad. Ang ganitong pagsisikap ay manaka-naka nating nasasaksihan sa iba’t ibang religious at civic sectors na ang tanging adhikain ay iahon sa pagdaralita ang mga kapus-palad.

Nagkataon na ang WWFP ay pinangunahan ng Iglesia ni Cristo (Church of Christ) sa Quirino Grandstand sa Maynila kamakailan. Sinasabing mahigit sa isang milyong kasapi ng INC ang dumalo sa naturang pagtitipon na naging dahilan ng mistulang pagkakapit-bisig ng tinaguriang ‘Proud to be a member of Iglesia ni Cristo’.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Isinasaad sa mga ulat na ang naturang grupo ay nakabuo ng human sentence na may 23,235 kalahok -- mas mahaba kaysa sa 16,550 human sentence ng India. Dahil dito, napag-alaman ko na ang naturang pagtitipon ang itinuturing ngayon na bagong Guinness World Record for largest charity walk.

Ang ganitong mga pagsisikap ay hindi monopolyo ng alinmang grupo -- tungkol sa relihiyon, kalikasan, pagsasaka, pampulitika at iba pa. Makabuluhang isaalang-alang ang tunay na motibo ng mga ito, tulad nga ng paglutas sa problema sa kagutuman.

Sa pagtitipon ng mga magsasaka, marapat lamang na dinggin ng pamahalaan ang mahigpit na pangangailangan ng mga magbubukid upang matamo natin ang matagal nang pinapangarap na rice self-sufficiency. Makatuturan din ang pagsisikap laban sa mga mapangwasak ng kalikasan at iba pang likas na yaman. Gayundin ang political rally na naglalayong gisingin ang kamalayan ng mga pulitiko laban sa walang pakundangang paghahangad ng kapangyarihan.

Maging ang mga pagtitipon laban sa kasumpa-sumpang mga katiwalian at iba’t ibang anyo ng krimen ay marapat ding paigtingin; kailangang masugpo ang mga salot ng komunidad.

Anupa’t ang mga pagtitipon, tulad nga ng WWFP, ay kailangang maghatid ng makabuluhang mensahe para sa kapakinabangan ng mga mamamayan, kahit na anong sektor ang kanilang kinaaaniban.