GS Warriors vs Houston Rockets sa WC Finals
OAKLAND, Calif. (AP) — Walang gurlis ang Warriors sa duwelo sa Oracle.
Naitala ng Golden State ang ika-15 sunod na home playoff win nang idispatsa ang New Orleans Pelicans, 113-104, sa Game 5 nitong Martes (Miyerkules sa Manila) para makausad sa Western Conference Finals.
Nagsalansan si Stephen Curry ng 28 puntos at kumana sina Kevin Durant at Klay Thompson ng 24 at 23 puntos, ayon sa pagkakasunod, para pantayan ng Warriors ang NBA record ng Chicago Bulls. Nagawa ito ng six-time NBA champion noong April 27, 1990 at May 21, 1991.
Nanguna si Anthony Davis sa Pelicans sa nakubrang 34 puntos at 19 rebounds. Nagawang maibaba ng Pelicans ang bentahe ng Warriors sa pitong puntos, ngunit muling rumatsada ang Warriors sa pangunguna ni Draymond Green na tumipa ng turnaround jumper.
Tulad ng inaasahan, mapapalaban ang Warriors sa conference Finals laban sa top-seeded Houston Rockets. Nakatakda ang Game 1 sa Lunes (Martes sa Manila) sa Houston.
Hindi nagpanagpo ang dalawa sa 2017 postseason, ngunit nagwagi ang Warriors sa limang laro sa first round ng 2016 playoffs. Sinibak ng Houston ang Utah sa Game 5 sa hiwalay na playoff series para hamunin ang Warriors sa Western Conference Finals..
Nabalewala ang 27 puntos at 11 assists ni Jru Holiday para sa Indiana.
ROCKETS 112, JAZZ 102
Sa Houston, nagbubunyi na at naghahanda ang home crowd para suportang kinakailangan ng Rockets sa kanilang pakikipagtuos sa defending NBA champion Golden State Warriors.
Naitumpok ni Chris Paul ang playoff career-high 41 puntos, tampok ang walong three-pointers para sandigan ang Houston Rockets kontra sa Utah Jazz.
Ito ang ikalawang tungtung ng Rockets sa Western Conference finals sa nakalipas na apat na taon at kauna-unahang sa liderato ni Paul. Mapapalaban sila sa Golden State, nagwagi sa New Orleans, 4-1.
Naitala rin ni Paul, nine-time All-Star at sumabak sa Houston matapos ang offseason trade mula sa Los Angeles Clippers, ang 10 assist at pitong rebounds.
Hataw si star rookie Donovan Mitchell sa Jazz sa naiskor na 24 puntos bago ipinahinga bunod umano ng pilay sa paa.
Humirit si P.J. Tucker ng playoff career-best 19 puntos at humugot si James Harden ng 18 puntos.