Ni Martin A. Sadongdong

Isang lalaki na umano’y kilabot na sniper ng teroristang grupo ng Maute ang naaresto ng mga awtoridad sa Quezon City makalipas ang ilang buwan ng pagtatago sa Metro Manila, ayon sa Philippine National Police (PNP).

‘VERY DANGEROUS’ Inaresto ng pulisya nitong Lunes sa Cubao, Quezon City ang umano’y nagsilbing sniper ng Maute-ISIS sa Marawi City noong nakaraang taon, si Unday Macadato, at iprinisinta kahapon sa media ni PNP Chief Director Gen. Oscar Albayalde sa Camp Crame, Quezon City. (MARK BALMORES)

‘VERY DANGEROUS’ Inaresto ng pulisya nitong Lunes sa Cubao, Quezon City ang umano’y nagsilbing sniper ng Maute-ISIS sa Marawi City noong nakaraang taon, si Unday Macadato, at iprinisinta kahapon sa media ni PNP Chief Director Gen. Oscar Albayalde sa Camp Crame, Quezon City. (MARK BALMORES)

Kinilala ni PNP chief Director General Oscar Albayalde ang naaresto na si Unday Macadato, nasa hustong gulang. Inaresto siya ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office-Regional Police Intelligence and Operations Unit (NCRPO-RPIOU) makaraang isumbong ng isang concerned citizen sa pagpapakita ng baril sa Felix Manalo Street sa Cubao, Quezon City, dakong 4:55 ng hapon nitong Lunes.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa interogasyon ng pulisya, nabunyag na si Macadato ay ika-509 sa Martial Law General Order Number 1, o ang listahan ng mga aarestuhin kaugnay ng rebelyon sa Mindanao.

“Kapag mainit sila sa Mindanao they come here, they rest, they earn money. ‘Yun ang front nila kaya hindi sila nanggugulo sa Metro Manila,” sabi ni Albayalde. “Safe haven nila itong Metro Manila. White area ito dahil pupunta sila rito para mag lie-low, magpahinga, maghanap-buhay and when they earn money, they bring it back to Mindanao para bumili ng explosives at ammunition.”

Sinabi naman ni NCRPO Director Camilo Pancratius Cascolan na si Macadato ay isang “very dangerous sniper” na kasama sa mga teroristang kumubkob sa Marawi City noong Mayo hanggang Oktubre 2017.

“A sniper is different from working on the field. Snipers are trained in such a way that you have to kill a person with only one bullet. Itong snipers, hindi sila masyadong nakikita ng mga tao, sila ang pumapatay sa mga tao natin. Very dangerous,” ani Cascolan.

Sinabi ni Albayalde na kakasuhan si Macadato ng illegal possession of firearms and explosives makaraang makumpiskahan umano ng isang .45 caliber pistol at granada.