Ni Mary Ann Santiago
Matatapyasan ng 54 sentimos kada kilowatt hour (kWh) ang singil ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong Mayo.
Sa isang pahayag, sinabi ng Meralco na ang overall electricity rates ngayong Mayo ay mas mababa ng P0.5436 kada kWh, dahil sa pagbaba ng generation charges na bumagsak sa P0.4212/kWh na lamang, gayundin ng presyuhan sa SPOT market at mga planta ng kuryente.
Dahil sa naturang adjustment, ang overall rate ay bumaba sa P10.0041 kada kWh, mula sa dating P10.5477 per kWh noong Abril.
Katumbas ito ng pagbaba ng halos P109 sa electricity bill ng residential customer, na kumukonsumo ng 200 kWh.
Ang pagbaba ng singil sa kuryente ay taliwas sa naunang pahayag ng Meralco na maaaring tumaas ang singil nito ngayong Mayo, dahil na rin sa repricing ng natural gas, na nakatali sa presyo ng krudo sa world market.