Ni GENALYN D. KABILING, ulat ni Beth Camia
Pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang send-off ceremony sa susunod na linggo para sa isang grupo ng Filipino scientists na maglulunsad ng marine research sa Philippine Rise.
Inamin ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang paglalakbay ng mga ito nasabing grupo ng siyentista sa Philippine Rise ay itinaon sa unang anibersaryo ng muling pagpapangalan sa naturang undersea region, na dating Benham Rise.
“The President will be commemorating the renaming of Benham Rise to Philippine Rise by visiting the Philippine Rise itself and this is on May 15 to 16,” paliwanag ni Roque nang magpatawag ito ng press conference sa Malacañang kahapon.
Ang grupo, na binubuo ng 50 siyentista, ay magsasagawa ng malawakang pagsasaliksik sa kontrobersiyal na Philippine Rise.
Una nang inihayag ng pangulo ang plano niyang magtungo sa Philippine Rise upang igiit ang sovereign rights at hurisdiksiyon ng bansa sa naturang teritoryo.
Iginiit niya na ang tinukoy na undersea region, na tinatayang may lawak na 24 na milyong ektarya, ay pag-aari lamang ng Pilipinas.
Matatandaang inilabas ng Pangulo ang Executive Order No. 25 na nag-uutos na palitan ng Philippine Rise ang Benham Rise noong Mayo 16, 2017.
Ang undersea feature nito ay matatagpuan sa Philippine exclusive economic zone at sa outer limits ng continental shelf.
Una nang kinumpirma ng China na pinangalanan nito ang ilang features sa Philippine Rise, na hindi naman kinilala ng gobyerno ng Pilipinas.