Ni Mary Ann Santiago

Isang jeepney driver, na sinasabing huling nakitang nakikipag-away sa kanyang kapwa tsuper, ang natagpuang may mga saksak sa leeg, may tama ng bala sa katawan, at nakasilid sa sako, sa isang madilim na lugar sa Tondo, Maynila, nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Alexander Maloyloy-on Labrador, 44, may asawa, ng Bagumbong, Caloocan City.

Batay sa ulat mula sa tanggapan ni Supt. Jay Dimaandal, hepe ng Manila Police District (MPD)-Station 1, dakong 10:45 ng gabi nang madiskubre ang bangkay sa madilim na bahagi ng southbound lane ng Road 10, sa Tondo.

Eleksyon

Kabataan Party-list, itutulak pagpapatalsik kay VP Sara

Ayon sa barangay tanod na si Genero Tabada Jr., nagbabantay siya hindi kalayuan sa lugar nang lapitan siya ng basurero at sinabing may natagpuan itong bangkay ng lalaki sa loob ng sako.

Sinabi naman ni SPO4 Glenzor Vallejo, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), na dumating sa kanilang tanggapan si PO2 King Bautista, ng Caloocan City Police, kasama ang isang babae na nagpakilalang asawa ng biktima.

Ayon kay PO2 Bautista, sinabi ng ginang nakita ang biktima na nakikipag-away sa hindi nakilalang jeepney driver, dakong 8:00 ng gabi sa A. Mabini Street sa Caloocan.

May isang testigo pa umano ang nakapagsabi na sa kasagsagan ng pag-aaway ay binaril ng kasama ng driver ang biktima at isinakay sa behikulo bago tumakas.

Posible umanong buhay pa ang biktima kaya pinagsasaksak sa leeg ng mga suspek bago isinako at itinapon sa Maynila.