Ni Jeffrey G. Damicog

Tatlong hinihinalang illegal recruiter ang nadakip, habang 137 babaeng nabiktima umano nila, kabilang ang 25 menor de edad, ang nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Pasay City, nitong weekend.

Kinilala kahapon ni NBI Deputy Director Vicente De Guzman ang tatlong hinihinalang illegal recruiter na sina Patricia Lambino, Rossie Lopez, at Marilyn Filomeno.

Ayon kay De Guzman, kinasuhan na ang tatlo sa Department of Justice (DoJ) ng paglabag sa RA 9208 (Anti- Trafficking of Persons Act of 2003), na inamyendahan ng RA 10364 (Expanded Anti-Human Trafficking of Persons Act of 2012); at RA 8042 (Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995).

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kasabay nito, sinabi ni De Guzman na iniimbestigahan na rin ng NBI ang Global Connect Manpower Resources na nangasiwa sa deployment ng mga biktima.

Inaresto ng mga tauhan ng NBI-International Airport Investigation Unit (NBI-IAIU) ang mga suspek kasunod ng pagsalakay nitong Sabado sa apartment building sa Tolentino Street sa Pasay City, na ipinagkaloob ng Global Connect.

Sa nasabing operasyon, natagpuan ng NBI sa apartment ang 137 babae, kabilang ang 25 dalagita na ni-recruit umano mula sa Maguindanao, Sultan Kudarat, Lanao del Sur at Cotabato.