Ni Jeffrey G. Damicog

Inaasahan ang pagharap nina dating President Benigno “Noynoy” Aquino III at kapwa respondents nito, kabilang sina dating Budget secretary Florencio Abad at dating Health secretary Janette Garin sa susunod na linggo sa Department of Justice (DoJ) para sagutin ang criminal complaint na inihain laban sa kanila kaugnay sa Dengavaxia anti-dengue vaccine mess.

Sinabi ni Senior Assistant State Prosecutor (SASP) Rossane Balauag na nagpadala na siya ng mga subpoena kina Aquino at co-respondents nito na inuutusang humarap sa pagdinig ng DoJ sa Mayo 15.

Si Balauag ang namumuno sa panel of prosecutors na nagsasagawa ng preliminary investigation kaugnay sa criminal complaint na inihain ni Philippine Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner at Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) lawyer Manuelito Luna at suspendidong abogado na si Eligio Mallari Vanguard ng Philippine Constitution, Inc. (VPCI).

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa complaint, si Aquino at kapwa respondents nito ay inaakusahan ng paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act (RA) 3019,ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act; technical malversation sa ilalim ng Section 65(3) ng RA 9184, ang Government Procurement Reform Act; at reckless imprudence resulting multiple homicide through criminal negligence sa ilalim ng Article 365 ng Revised Penal Code (RPC).

Bukod kina Aquino, Abad at Garin, kabilang din sa respondents ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng DoH na sina Undersecretaries Carol Tanio, Gerardo Bayugo, Lilibeth David, at Mario Villaverde; Assistant Secretaries Lyndon Lee Suy at Nestor Santiago; Directors Laureano Cruz, Joyce Ducusin, Mar Wynn Bello, Leonila Gorgolon, Rio Magpantay, Ariel Valencia, at Julius Lecciones; retired Undersecretary Nemesio Gako; resigned Undersecretaries Vicente Belizario Jr. at Kenneth Hartigan-Go; at resigned executive assistant to Garin, Dr. Yolanda Oliveros.

Pinangalanan ding respondent sa reklamo ang executives ng Dengavaxia manufacturer na Sanofi Pasteur at local distributor nito na Zuellig Pharma.

Ibinatay ang reklamo sa mga pagdinig na isinagawa ng Senado at House of Representatives kaugnay sa pagbili ng Dengvaxia, na ginamit sa kontrobersiyal na Dengue Immunization Program ng DoH sa panahon ng administrasyong Aquino.