Ni Clemen Bautista

ANG kaayusan at katahimikan ng bansa ay sinasabing nakasalalay sa pangangalaga ng Philippine National Police (PNP). Sa mga nagaganap na krimen lalo na kung madalas at sunud-sunod, ang bagsak at sisi ay sa mga pulis. Bunga ng nasabing mga krimen at karahasan, hindi maiwasang paratangan ng iba nating kababayan na pabaya ang mga pulis sa kanilang tungkulin. Umaani ng batikos ang PNP.

Lalong matindi ang batikos sa PNP kapag lumalabas ang mga balita na may ilang bugok at tarantadong pulis ang nasasangkot sa sindikato. Gaya na lamang ng kanilang pagkakasangkot sa illegal drugs, ninja cops, panghoholdap, hulidap, pangongotong at iba pang uri ng krimen na nagbibigay batik at dungis sa imahe ng PNP. Nadadamay ang maraming maaasahan, matapat sa tungkulin at matitinong pulis. Kapag may mga pulis na nasangkot na sa iba’t ibang krimen, naitatanong tuloy ng iba natin kababayan: Nalimutan na kaya nila ang motto o slogan ng PNP na TO SERVE and TO PROTECT.

Sa panahon ni dating PNP Chief Director General Ronald “Bato”de la Rosa, ang PNP ang naatasan na magpatupad ng giyera kontra droga ni Pangulong Rodrigo Duterte. Inilusad ang “Oplan Tokhang” at nasundan pa ng “Oplan Tokhang Double Barrel”. Maganda ang layunin ng giyera kontra droga. Ngunit nabatikan ng dungis ang PNP sapagkat sa implementasyon ng giyera kontra droga, sunud-sunod ang napatay at tumimbuwang na mga suspect na drug pusher at user. Araw-araw ay laman ng balita sa mga pahayagan, sa radyo at telebisyon ang bilang ng mga napatay at tumimbuwang sa kalsada, sa loob ng bahay, tabi ng kanal , kulungan ng baboy, gilid ng highway at iba pang lugar. Paliwanag ng pulis: Nanlaban kaya napatay. Karamihan sa mga napatay at tumimbuwang ay naka-tsinelas at marumi ang sakong. Walang magawa ang pamilya at kamag-anak ng mga napatay kundi ang manangis, sumigaw at humingi ng katarungan. Sabunot sa panot at suntok sa buwan ang hinihingi at isinisigaw na katarungan.

Sa kampanya giyera kontra droga, mabibilang sa daliri ng isang kamay ang napatay at naitumbang pinaghhinalaang drug lord. Ang isang napatay na suspect na drug lord ay ang mayor ng Albuera, Leyte na napatay habang nasa kulungan. Ayon sa mga police operative, nakipagbarilan umano ang napatay na mayor noong madaling-araw ng Nobyembre 5, 2016. Nasundan pa ng pagtimbuwang ng isa ring mayor na pinaghihinalaan ding drug lord. Kasamang napatay ng mga police operative ang asawa ng mayor at mga tauhan nito.

Ang giyera kontra droga ay umani ng batikos ng mga human rights advocate, ng simbahan at ng iba pang nagpapahalaga sa buhay ng tao. Dahil dito, inalis sa PNP ang kampanya kontra droga at inilipat ito ni Pangulong Duterte sa PDEA (Philippine Drug Enforcment Agency). Hindi na naging madugo ang giyera kontra droga.

Ang isa pang insidente na nagbigay batik at dungis sa PNP ay pagdukot ng ilang tiwaling opsiyal ng PNP sa isang negosyanteng Koreano sa bahay nito sa Angeles City. Nagbigay na nga ng P4.5 milyon ang misis ng biktima, ngunit pinatay pa rin ang Koreano. Ang pagpatay ay ginawa sa loob ng Camp Crame malapit sa opisina ng PNP chief. Pina-cremate ang bangkay ng biktima at ang mga abo nito ay ipinalulon sa toilet bowl.

Kapag nasasangkot ang ilang tiwaling mga opisyal at tauhan ng PNP, madalas na naririnig ng ating mga kababayan sa bibig ng PNP chief at sa tambolero ng PNP na ang pambansang pulisya ay nagsasagawa ng internal cleansing, upang makasuhan at matanggal sa serbisyo ang mga tiwaling opisyal at tauhan ng PNP na nakasisira sa imahe ng PNP. Nagiging dahilan ng kawalan ng tiwala ng mamamayan sa mga pulis.

Nagretiro si PNP chief Ronald Bato de la Rosa noong Abril 19, 2018 at pumalit si PNP NCR (National Capital Region) Chief Supt. Oscar Albayalde na hepe ng Pambansang Pulisya. Ngunit hindi naiwasan na muling nabatikan ng dungis ang imahen ng PNP sapagkat may mga pulis na nasangkot sa pangingikil umano sa dalawang lalaking inaresto dahil sa paglabag sa election gun ban. Hiningan umano ng P200,000 ang mga inaresto ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Quezon City Police District ng Police Station 11. Ang dalawang lalake ay inaresto noong Mayo 3, 2018 dakong 6:00 ng umaga. Inakusahan ang dalawang dinakip ng pagdadala ng di-lisensiyadong baril. Hindi naman pinakawalan ang dalawang inaresto sapagkat humingi pa umano ng karagagang P100,000.

Nagsumbong ang pamangkin ng isa sa mga dinakip at humingi ng tulong sa District Special Operation Unit (DSOU) ng QCPDO at sa Special Weapons and Tactics (SWAT). Sinalakay ang Police Station 11 sa Galas, Quezon City noong madaling-araw ng Mayo 4, 2018.

Dahil sa nasabing pangyayari, mismong si PNP chief Director General Oscar Albayalde ang nag-utos na sibakin ang buong puwersa ng Galas Police Station (PS-11 kabilang ang PS-11 station commander at ang head ng PS-11

Drug Enforcement Unit) dahil sa command responsibility. Ayon sa PNP chief: “This relief is to make way for an impartial investigation for thealleged extortion try by the members of the unit”.

Ang ginawa ng nasabing mga pulis, sa totoo man o hindi ay nagbigay na naman ng dungis sa imahen ng PNP. Ang nasabing pangyayari ay hindi sana maging dahilan ng patuloy na pagkawala ng tiwala ng iba nating kababayan sa mga pulis. Maraming opisyal at tauhan ng PNP ay maaasahan, matapat sa tungkulin at paglilingkod. May dangal at malinis ang budhi.