Ni Marivic Awitan

NAGHAHANGAD na makatulong at makapag-ambag sa pag-angat ng Philippine sports , nagbigay ng kanilang tulong ang pamunuan ng Philippine Basketball Association (PBA) sa Philippine Olympic Committee (POC).

Sa pamumuno ni PBA commissioner Willie Marcial at ng mga miyembro ng Board of Governors, nagbigay ng P46 milyon bilang donasyon nitong Linggo ang PBA sa POC na tinanggap ni POC president Ricky Vargas.

Kapwa nagbigay ang San Miguel Corporation at ang MVP Sports Foundation ng tsekeng naglalaman ng tig-P20 milyon sa POC, habang lahat ng 12 PBA teams ay nagbigay ng tig-P500,000.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“I would like to thank with gratitude the PBA for their contribution and San Miguel Corporation and the MVPSF. These are all directed contribution towards athletes, towards NSAs for the program for Southeast Asian Games and Asian Games,” pahayag ni Vargas na nagkataong chairman din ng PBA. “We are very thankful for all of these contributions for the athletes, for the program, and for the country.”

Ayon kay Marcial ang nasabing “goodwill act” ay napag usapan din sa nakaraang Board of Governors planning session sa Hong Kong.

“The Governors said that they wanted to help and support the POC since the president is also our chairman,” sambit ni Marcial.

Kasama ni Vargas na tumanggap ng donasyon ng PBA ay sina POC chairman Abraham “Bambol” Tolentino, secretary-general Pato Gregorio, deputy secretary-general Karen Caballero, Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio, National Chess Federation of the Philippines (NCFP) president Prospero Pichay, at Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) secretary Ed Picson.

Ayon kay Vargas, may mga napili na silang mga programa kung saan ilalaan ang pondo.

Ang kontribusyon ng SMC ay mapupunta sa National Sports Association na mapipili nilang suportahan habang ang donasyon ng MVPSF ay gagamiting insentibo para sa mga medal-winning athletes at programs.