Ni Argyll Cyrus B. Geducos
Pinaiimbestigahan na ng Malacañang ang naiulat na umano’y labis-labis na biyahe ng officer-in-charge ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na si Celestina Ma. Jude dela Serna.
Ito ay matapos na hilingin ng Commission on Audit (CoA) kay de la Serna na magpaliwanag kaugnay ng gastos nito sa mga biyaheng aabot sa P627,293.04 sa loob lang ng isang taon sa kabila ng pagkalugi ng ahensiya ng P8.92 bilyon, ayon sa 2017 unaudited financial statement ng PhilHealth na inilathala online.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na siyasatin ang ahensiya kung naipatutupad nito nang maayos ang universal healthcare nito sa bansa.
“Alam ko po iimbestigahan din ‘yan ng Presidente dahil prayoridad po talaga ng Presidente na magbigay ng universal healthcare. At talagang kung hindi po malilinis ang hanay ng PhilHealth, hindi po magkakaroon ng katuparan ang universal healthcare,” sabi ni Roque.
Siniguro rin nito, didinggin nila ang lahat ng panig makaraang umapela si de la Serna na maipalliwanag sa Pangulo ang kanyang panig.
“Well, the matter po naman will be, I think like all controversies, investigated, and everyone will be heard,” paniniyak ni Roque.
Nauna nang hiniling ni Roque sa Ombudsman na umaksyon sa naging report ng CoA upang masampahan ng kaso ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.