NI Nitz Miralles

HINDI minasama ni Jaclyn Jose ang tanong namin kung may peg siya sa pagganap sa role bilang Dr. Evangeline Lazaro sa The Cure ng GMA-7.

JACLYN

Inisip kasi namin na ang magaling na aktres na kagaya niya ay hindi nangangailangan ng peg. Pag-aaralan na lang ang role at karakter at ang dialogue, mag-i-internalize, at ready nang umarte.

Vic Sotto, nasaktan sa ginawa ng TAPE sa Eat Bulaga

Pero napangiti si Jaclyn, at naramdaman naming okay lang sa kanya ang inusisa namin.

“Ang peg ko ay si Judi Dench, I like her and I like and love her works. Hinahaluan ko rin ng konting Glenn Close. I also like her and I love both their body of works. Wala namang masama kung hanggaan ko sila at gawing peg sa karakter ko sa The Cure ,” sagot ni Jaclyn.

Dame Judi Dench ang tawag kay Judi Dench, ang mahusay na English actress. May nabasa kaming review na mala-Judi Dench ang acting ni Jaclyn, na hindi pala nagkamali.

Naikuwento na rin ni Jaclyn na tulung-tulong sila ng cast, production and technical staff at ni Direk Mark Reyes na mapaganda ang bawat episode ng The Cure at nagpasalamat sa viewers na tumututok sa teleserye mula sa pilot episode at nitong second week airing.

“We are doing our best for the show, na magustuhan ng viewers. Ang laki-laki ng soap at pagod kaming lahat sa taping. Noong isang taping, tumaas ang BP (blood pressure) ko, pero naging normal din naman. Kaya we’re happy sa feedback at sa rating,” sabi ni Jaclyn.

Naitanong din namin kay Jaclyn ang nasulat na niyaya niya ang anak na si Andi Eigenmann para lumipat sa GMA-7 ngayong wala na itong kontrata sa ABS-CBN.

“Hindi ko siya niyayang mag-transfer. Ang sabi ko, magtrabaho siya at kung wala siyang work sa ABS-CBN, sa GMA-7 siya mag-work. She needs to work for her daughter. Masyado kasi siyang focus sa pagiging environmentalist at paglilinis sa dagat sa Baler. And advocacy niya is to help clean the ocean lalo na sa mga plastic. Sabi ko sa kanya, galing na rin ako d’yan, naglinis din ako sa Boracay dati pa. Pero sabi ko, bigyan din niya ng time ang sarili niya at ang trabaho niya. She’s willing to work naman, wala pa lang offer as of now,” pahayag ni Jaclyn.

Sa presscon/launching ng 2nd Pista ng Pelikulang Pilipino namin nakausap si Jaclyn na dumating kahit wala siyang film entry. Suporta niya sa Film Development Council of the Philippines at sa chair nitong si Liza Diño ang kanyang pagdating.