Ni Mary Ann Santiago

Hinikayat ng kilalang election lawyer ang publiko na sampahan ng kaso ang mga kandidatong lumalabag sa mga election rules.

Ito ang iminungkahi ni Atty. Romulo Macalintal, matapos ibahagi sa social media ang campaign violators para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), na idaraos sa Mayo 14.

Ayon kay Macalintal, kahit hindi maaksiyunan agad ang reklamo o manalo pa sa eleksiyon ang sumuway na mga kandidato ay maaari pa ring matanggal ang mga ito sa posisyon, kapag napatunayang guilty sa paglabag sa election rules.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

“Hindi por que nanalo na ay ligtas na sila (barangay officials) kasi andyan pa rin ‘yong issue tungkol sa paglabag niya sa election laws. Kaya mas makabubuti na magsampa na rin ng kaso laban sa kanila para kung sakali mang manalo, magiging ground na ‘yan para matanggal sila,” sinabi ni Macalintal, sa panayam sa radyo. “Kasi ngayon ilang araw na lamang bago ang eleksiyon, tiyak na hindi mo matatapos ang kasong isasampa sa kanila.”

Mayo 4 ang simula ng campaign period, at inamin mismo ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez na marami na silang natatanggap na reklamo laban sa mga campaign violators.

Sinabi naman ni Macalintal na ang mga reklamo sa mga kandidato ay maaaring ihain sa Comelec o sa lokal na piskalya.

“’Yan (campaign violations) ay ground lamang for an election offense case. Kapag napatunayan na talagang nagkaroon sila ng paglabag sa election law, kapag tumakbo ulit sila, puwede na silang ma-disqualify,” aniya pa.

Sa kabila nito, aminado naman ang election lawyer na mahirap patunayan ang isang election violation. Matagal ang pagdinig kaya karaniwang nababalewala.