Ni Reggee Bonoan
AKALA namin ay nagbago na ang ugali ng aktres na sinukuan ng ilang naging boyfriend ang ugali.
Marami na ang nagiging boyfriend ng aktres na pawang hindi tumatagal o matagal na ang dalawang taon. Inisip sa showbiz na baka ang mga ex-boyfriend ng aktres ang may kasalanan.
Pero itong current boyfriend ng aktres ay medyo matagal-tagal na kaya marami ang humuhula na sa simbahan na ang tuloy nila.
Katunayan, napag-uusapan na raw nila ang kasal, kaya inisip ng showbiz insiders na nakatagpo na siya ng matinong lalaki.
Pero mali pala ang haka-haka dahil mismong ang mga nakakakilala sa aktres ang nagsasabi na siya ang may diperensiya, dahil sa ugali niyang bratinella, as in. Kung ano ang ginusto, kailangan niyang makuha or else maghahalo ang balat sa tinalupan.
Napakabait, mapagbigay, maunawain at marespeto ang boyfriend niya ngayon, ayon sa mga taong malapit sa aktres. Kaya napakasuwerte niya.
Alam naman ng boyfriend ang tantrums ng aktres at tanggap niya. Kasi nga mahal na mahal niya. Ang tanong ng mga kaibigan nila, “Hanggang saan at hanggang kailan magtitiis si _____ (boyfriend). Baka isang araw iwan na ulit siya. Walang pagbabago lola mo.”
Sabagay, sa aura pa lang ng aktres ay halatang kakaiba ang ugali. In fairness, hindi naman siya plastikada kahit nasa showbiz siya dahil kapag hindi niya feel ang tao ay dedma siya o hindi nga niya magawang batiin o ngitian.
Walang projects sa ngayon ang aktres dahil ang huling pelikulang ginawa niya ay parang hindi naman nag-click sa takilya, kaya siguro wala pang projects na iniaalok sa kanya.