Ni Nonoy E. Lacson

JOLO, Sulu - Napatay ng militar ang tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) at pinaniniwalaang marami pang nasugatan sa mga bandido matapos na magkabakbakan sa isang liblib na lugar sa Patikul, Sulu, kahapon.

Kinumpirma ni Joint Task Force-Sulu (JTF-Sulu) commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana na nakaengkuwentro ng mga tauhan ng 21st Infantry Battalion (IB) ang aabot sa 70 miyembro ng ASG, na sinasabing pinangunahan ng sub-leader nito na sina Ikdang Susukan at Almujer Yadah, sa Sitio Sangay, Barangay Buhanginan sa Patikul, Sulu, dakong 6:14 ng umaga.

Napatay, aniya, ng tauhan ng JTF-Sulu ang mga bandidong nakilala sa lamang sa mga alyas na “Moktar”, “Julhadi”, at “Suray”.Pitong sundalong hindi muna binanggit ang pagkakakilanlan ang nasugatan din sa nasabing sa engkuwentro.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Naniniwala rin si Sobejana na marami pang ASG members ang nasugatan sa bakbakan dahil na rin sa nakitang mga bakas ng dugo sa dinaanan ng mga ito.

Nangako rin si Sobejana na hindi titigil ang JTF- Sulu sa operasyon nito laban sa bandido hanggang hindi nila naililigtas ang mga bihag ng teroristang grupo.

Sumiklab ang sagupaan sa pagtatangka ng militar na mailigtas ang dalawang babaeng pulis na binihag kamakailan, sina PO2 Benierose Alvarez at PO1 Dinah Gumahad.

Nauna nang humihingi ng tig-P5 milyon ransom ang ASG kapalit ng kalayaan ng dalawang pulis.