Ni Dave M. Veridiano, E.E.
SOBRA na talaga ang katigasan ng ulo o sadyang malalakas lang ang loob ng mga batang pulis sa paggawa ng kalokohan ngayon kaya magkakasunod ang mga naaresto na nakatalaga sa iba’t ibang istasyon, lalo na rito sa Metro Manila, na agad naman daw “ipinasisibak” sa puwesto ng bagong
pamunuan ng Philippine National Police (PNP) – National Capital Police Regional Office (NCRPO).
Gaya ng bumulaga sa ating balita nito lamang weekend, na isang buong unit ng mga operatiba sa istasyon ng pulis sa Quezon City ang ipinasibak ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde dahil sa pangongotong, sa gitna ng pangangampanya ng ilang mga kandidato sa parating na Barangay at SK Elections sa Mayo 14.
May dalawang lalaki umano na nagreklamong kinikilan sila ng mga miyembro ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Quezon City Police District (QCPD) Galas Police Station (PS-11), dahil sa paglabag sa election gun ban. Kaya nang makarating ang reklamo sa pamunuan ng PNP, mismong si Albayalde ang “sumibak” sa buong puwersa – at ang matindi rito – hindi nakaligtas sa “sibakan blues” ang hepe ng QCPD PS-11 na si Superintendent Igmedio Bernaldez at ang hepe ng DEU nito na si Chief Inspector Erwin Guevarra, dahil sa kapabayaang madisiplina ang kanilang mga tauhan.
Ito ang kumpletong “line-up” ng siyam na sinibak na mga baguhang pulis ng PS-11 DEU -- PO2 Noel Sanchez, PO2 Dennis Eria, PO1 Edward Ramos, PO1 Michael Eric Ramirez, PO1 Ray John Rodriguez, PO1 Gaudencio Escoton, PO1 Sepzon Suclad, PO1 Ryan Rodriguez, at PO1 Leny Atma.
Sana naman diretso tanggal agad sa serbisyo ang ganitong mga pulis – gaya noong panahon na Philippine Constabulary-Integrated National Police (PC-INP) pa ang tawag sa PNP – na walang patawad ang liderato sa mga tarantadong pulis na nakalulusot pa rin sa mabusising proseso ng recruitment nila noon.
Napansin kong sa tuwina na may ganitong klaseng balita, na nai-post o nai-share sa social media, ay agad itong nagba-viral at umaani ng katakut-takot na negatibong komento laban sa pamunuan ng PNP. Sa sobrang anghang nga ng mga pananalita, ay malamang na “maupos” sa kanilang kinatatayuan ang mga opisyal na mapagsasabihan nito nang harapan. Nagpapakita lang ito na sawang-sawa na ang ating mga kababayan sa katarantaduhan sa hanay ng ating mga bagong pulis!
Marami rin akong natatanggap na masakit na komento sa pamamagitan ng text, email at tawag sa cellphone laban sa mga “corrupt” na pulis, paminsan-minsan ay may naliligaw na mga depensa naman sa pangkalahatang organisasyon ng mga alagad ng batas na nagsasabing KONTI lang naman ang mga bulok sa kanilang hanay, na nakalulusot sa tila may depektong proseso ng “recruitment” ng PNP.
Sang-ayon naman ako sa kanila ng 100 porsiyento. Ako mismo ay maraming kakilalang matitinong pulis na simple lang ang buhay hanggang sa kanilang pagreretiro. Ngunit base sa naging obserbasyon ko – gaya ng isang bulok na kamatis, kapag naihalo ito sa isang kaing na puno naman ng magagandang kamatis, siguradong mabilis itong manghahawa ng kabulukan sa iba pang kamatis, kung hindi agad ito maiaalis at maihihiwalay ng lalagayan!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]