Ni Roy C. Mabasa
Lumagda sa isang kasunduan ang Pilipinas at ang South Korea na magpapahintulot sa gobyerno ng Pilipinas na makagamit ng maximum amount of loan, na nagkakahalaga ng isang bilyong dolyar mula 2017 hanggang 2022.
Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang halaga ng bagong kasunduan, na sumasakop sa mga loan mula sa South Korea’s Economic Development Cooperation Fund (EDCF), ay dumoble mula sa pangako nito noong 2011 na 500 milyong dolyar at pinatagal din ang panahon na maaaring magamit ang loan mula sa tatlo hanggang limang taon.
“We note and highly appreciate the confidence that the government of the Republic of Korea has shown by doubling the previous amount and duration of access from the previous Framework Arrangement which was signed in November 2011,” sinabi ni DFA Secretary Alan Peter Cayetano sa seremonya.
Nilagdaan nina Cayetano at South Korean Ambassador to the Philippines Han Dong-man ang limang taon loan facility arrangement sa tanggapan ng DFA sa Pasay City nitong Biyernes.
Itinatag noong Hunyo 1987 ang EDCF ng gobyerno ng Korea sa ilalim ng Ministry of Strategy anf Finance (MoSF) at pinamamahalaan naman ng Export-Import Bank of Korea (KEXIM). Sa pamamagitan ng EDCF, inalok ang Pilipinas ng bilateral loan noong pang 1988.
Kabilang sa mga bagong proyekto na pinondohan ng EDCF sa bansa ang Panguil Bay Bridge, na nagdurugtong sa Tangub City at sa bayan ng Tubod; ang proyektong Puerto Princesa Airport Development na pagtatayo ng bagong passenger terminal complex; at ang Samar Pacific Coastal Road Project na magdurugtong sa mga probinsya sa isla ng Samar.
Binigyang-diin ng DFA na South Korea ang ikaanim na pinakamalaking pinagkukunan ng ODA sa lahat ng mga katuwang nito, na may 570.60 milyong dolyar.