Ni FER TABOY

Tapos na ang paghahari-harian ng mga bigating drug lord sa New Bilibid Prisons (NBP).

Ito ang ipinangako ng bagong Bureau of Corrections (BuCor) chief na si Ronald “Bato” Dela Rosa nang mag­sagawa siya ng surprise inspection sa Bilidid, sa Muntinlupa City kahapon.

Inikot ni Dela Rosa ang pinakama­laking piitan sa bansa kasama ang mga opisyales ng BuCor, at pinagtuunan niya ng pansin ay ang medium security compound kung saan nakakulong ang ilang high profile na drug lords.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Babala ni Dela Rosa, hindi puwe­deng maghari-harian ang mga drug lord sa Bilibid dahil maaaring “ma- Tokhang” ang mga ito.

Bilang hepe ng Philippine National Police (PNP), pinamunuan ni Dela Rosa ang Operation Tokhang na libu-libong pinaghihinalaang nagtutulak at gumagamit ng ilegal na droga, na sinasabing nanlaban sa mga pulis, ang napatay.

Aniya, hindi dapat isama ang mala­laking drug lords sa mga karaniwang preso dahil maari silang gamitin ng mga ito sa mga transaksiyon ng droga sa Bilibid.

Binantaan ni Dela Rosa ang mga preso na umiwas masangkot sa droga.

Ayon pa kay Dela Rosa, nais niyang maipatupad ang pagbabago sa Bilibid at iba pang mga kulungan.

Isa sa mga pagbabago ay ang pag­papalaya sa mga bilanggo na mahigit 60-anyos na.

Samantala, pinuna rin ni Dela Rosa ang mga gusali sa medium security compound na aniya’y parang babagsak na dahil sa kalumaan.

Sinabi niya kapag nagkaroon nang malakas na lindol ay maaaring gumuho ang mga gusaling ito.

Aalamin din ni Dela Rosa kung mayroon pang mga kubol sa loob ng Bilibid.