Sinulat ni LIEZLE BASA IÑIGO, larawang kuha ni JOJO RIÑOZA
DAGUPAN CITY, Pangasinan -- Pinakamaraming tao ang dumagsa sa selebrasyon ng Bangus Festival ngayong taon at maituturing ding pinakamatagumpay at pinakamasaya.
Sa pagtaya ng Philippine National Police ay umabot sa isang milyon ang mga local at dayuhang turista na dumalo sa pagdiriwang ng Bangus Festival, na ang pinakatampok na aktibidad ay ang kalutan o Bangus Grill (pag-iihaw ng mga bangus na pinagsasalu-saluhang kainin ng publiko) at street party sa kahabaan ng De Venecia Road Extension nitong nakaraang Lunes, Abril 30.
Nanguna sina Rep. Christopher de Venecia, Former House Speaker Jose de Venecia, Jr. at ang kanyang asawa na si former Rep. Gina de Venecia at Mayor Belen Fernandez kasama si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa ceremonial lighting ng grills ng Bangus Festival.
Sa Bangusan Street Party, naghandog ng kasiyahan ang Bamboo, Parokya ni Edgar, Sponge Cola, Silent Sanctuary, Moira, Ex Battalion kasama ang Team Jolai, December Avenue, IV of Spades, Ben and Ben at mga artista.
Nagtanghal din ng libreng concert ang mga artista ng GMA-7 na sina Gabby Concepcion, Barbie Forteza, Juancho Trivino, Derrick Monasterio, Kim Rodriguez, Jeric Gonzales, Pauline Mendoza, Kyline Alcantara, Miguel Tanfelix at Bianca Umali.
Ang ilan pa sa mga aktibidad na pinakaabangan ay ang Bangus Rodeo, Gilon-Gilon (street dancing ) ng mga barangay, at ang Festivals of the North na paligsahan ng street dancing ng iba’t ibang probinsiya, deboning ng bangus (pabilisan ng pagtanggal ng mga tinik), palakihan o pabigatan ng bangus, at marami pang iba.
Naging panauhing pandangal si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na nagpahayag ng kasiyahan sa matagumpay na bangus growers/industry ng Dagupan.
Aniya, ang Paoay at Batac Ilocos Norte ang nagsusuplay ng fingerlings samantalang ang mga Dagupeño naman ang nagpapalaki ng bangus.
Ayon kay Marcos, epektibong promosyon sa turismo ang pagsasagawa sa Bangus Festival.