Ni Clemen Bautista

SA iniibig nating Pilipinas, ang Mayo ang itinuturing ng ating mga kababayan na pinakamasaya at pinakamagandang buwan sa kalendaryo ng ating panahon. At ang unang pag-ulan sa Mayo na huling buwan ng summer o tag-araw ay nakatutulong sa pamumukadkad ng mga bulaklak ng mga halaman at maging ng mga punongkahoy. Iba’t ibang laki, hugis, anyo at kulay. Ang kulay at ganda ng mga bulaklak kung Mayo ay nakaaakit hindi lamang sa ating mga kababayan kundi maging sa mga dayuhan.

Buwan din ng Mayo ang panahon ng masasaya at makukulay na pagdiriwang ng kapistahan. Ang pagbibigay-buhay at pagpapahalaga sa tradisyon at kaugaliang kaugnay ng kapistahan, na nakaugat na at naging bahagi na ng kulturang Pilipino. Isa na rito ang Flores de Mayo (Flowers of May). Ukol ito sa pag-aalay ng mga bulaklak sa Mahal na Birhen, na may dambana sa mga simbahan at kapilya. Ginaganap tuwing hapon ang Flores de Mayo, na binubuo ng mga batang babae at lalake, dalaga, matandang dalaga, binata, biyudo, biyuda, mga senior citizen at iba pang may panata at debosyon sa Mahal na Birhen.

Ang Flores de Mayo o ang pag-aalay ng mga bulaklak, na isang relihiyosong tradisyon, ay ipinakilala ng mga misyonerong paring Kastila noong 1800 matapos na ipahayag ng Immaculate Conception ang dogma. May mga nagsasabi at naniniwalang ang Flores de Mayo ay nagsimula sa Malolos (lungsod na ngayon), Bulacan noong 1865 nang mag-alay ng mga bulaklak sa Mahal na Birhen ang mga batang babae. Ang Flores de Mayo ay nagsisimula ng Mayo 1 at natatapos sa ika-31 ng Mayo. Kasunod na nito ang Santacrusan, isang prusisyon ng paggunita sa paghahanap ni Reyna Elena sa Banal na Krus, kasama ang kanyang anak na si Emperor Constantino. Ang Santacruzan ay sinasabi rin na ipinakilala ng mga Kastila sa Pilipinas, at naging bahagi ng tradisyong Piipino.

Sa Angono, Rizal na Art Capital ng Pilipinas at bayan ng dalawang National Artist na sina Carlos Botong Francisco at Maestro Lucio D. San Pedro, ang Flores de Mayo, ay isang tradisyong hindi nalilimot na bigyang-buhay at pagpapahalaga. Kung Mayo 1, ang Flores de Mayo ay sinisimulan ng mga ginang ng tahanan. Ang mga mag-aalay ng bulaklak sa Mahal na Birhen ay nagtitipu-tipon sa tapat ng Hermana Mayor ng Flores de Mayo. Mula roon, sa tugtog ng banda ng musiko, kasama ang replika ng imahen ng Mahal na Birhen na nasa karosa ay naglalakad patungong simbahan ng Saint Clement parish. Nauulit ang pag-aalay ng mga bulaklak ng mga ginang ng tahanan sa huling araw ng Mayo.

Ang Flores de Mayo sa Angono, Rizal ay pinangangasiwaan ng Kapitana at Tenyenta, ang dalawang dalagang napili sa kadalagahan ng Angono. Sila ang tumatanggap at nag-aayos ng mga bulaklak na inialay sa Mahal na Birhen, na nakadambana sa loob ng simbahan malapit sa altar na pinagdarausan ng misa matapos ang Flores de Mayo. Ang imahen ng Mahal na Birhen na inaalayan ng mga bulaklak ay kilala sa tawag na Birhen ng Pagbati at Muling Pagkabuhay. Ang nasabing imahen ng Mahal na Birhen ang ginagamit sa prusisyon ng Salubong at sa Via Lucis o Daan ng Muling Pagkabuhay. Kasama sa Via Lucis ang imahen ng Risen Christ o Kristong Muling Nabuhay. Ang Via Lucis ay ginaganap sa gabi ng bisperas ng Ascension o Pista ng Pag-akyat sa Langit ni Kristo. Ang imahen ng Mahal na Birhen ng Pagbati at Muling Pagkabuhay ay kasama rin sa prusisyon sa huling araw ng Mayo.

Ang pagdiriwang ay nagsisimula ng 5:00 ng hapon. Sinisimulan ng pag-awit ng choir ng “O, Birhen ng Awa”, isang awit para sa Mahal na Birhen. Kasabay sa pag-awit ang lahat ng mga mag-aalay ng bulaklak sa Mahal na Birhen. Kasunod na ang pagdarasal ng Rosaryo at ang Litaniya sa Mahal na Birhen. Susundan naman ito ng pagbasa ng namumuno sa dasal ng Pagninilay. Bawat araw ay may Pagninilay na binababasa na tumutukoy sa iba’t ibang aspeto ng buhay na moral at ispirituwal.

Ang huling bahagi ay ang “Ocalatoria” o isang maikling dasal sa Mahal na Birhen. Sa bahaging ito ng dasal, lahat ng mga mag-aalay ng bulaklak ay lumuluhod. Matapos ang maikling dasal sa Mahal na Birhen, aawitin na ng choir, na binubuo ng mga batang babae, ang Dios te salve Maria, llena eres gracia ( Hail Mary, full of grace). Sumasagot naman ang mga mag-aalay ng bulaklak ng “Santa Maria Madre de Dios ruega por nosotros pecadores ahora y la hora de muestra muerte, Amen”.

Matapos ang pag-awit, lahat ng mga mag-aalay ng bulaklak sa Mahal na Birhen ay pupunta at pipila sa gitna ng simbahan hawak ang mga bulaklak na iaalay. Ang choir ay aawitin ang DALIT--awit na papuri at dasal sa Mahal na Birhen. May siyam na saknong ang Dalit. Pagkatapos ng bawat saknong ng Dalit, ang mga mag-aalay ng bulaklak, habang lumalakad papunta sa imahen ng Mahal na Birhen, ay sabay-sabay na sumasagot ng “Halina’t tayo’y mag-alay ng bulaklak may Maria”.

Ang Flores de Mayo ay winawasakasan ng isa pang awit para sa Mahal na Birhen. Pagsapit ng 6:00 ng gabi ay magkakaroon ng misa ng pasasalamat. Sa pag-alay ng mga bulaklak sa Mahal na Birhen, ang mga nag-aalay ay may iba’t ibang layunin. May mga nagpapasalamat at may humihiling ng patuloy na patnubay sa paglalakbay sa buhay. At sa pagsasagawa ng naturang tradisyunal na pagdriwang, may nadaramang moral cleansing effect ang mga nag-alay.