Ni Clemen Bautista
ANG barangay ay ang basic unit ng pamahalaan. At ang mga barangay chairman o kapitan ang unang nakababatid ng mga problema sa barangay. Sa kalinisan, kalusugan, pangangalaga sa kapaligiran, kaayusan at katahimikan, waste management at sa droga. Ang barangay chairman ang namamagitan sa away ng kanyang mga constituent sa barangay. Maging sa umbagan, batuhan ng pinggan, kutsara at almires ng mag-asawa, ang kapitan ng barangay ang umaayos upang magkasundo ang mag-asawa.
Ang mga kapitan din ng barangay ang lumalapit o pumupunta sa kanilang mayor, governor at congressman upang makakuha ng mga mehora o proyekto para sa kabutihan ng kanilang barangay. Kapag nakakuha ng proyekto, kahit paano, ang kapitan ng barangay ay may komisyon. Ngunit kapag garapal at hindi maayos na nagawa ang proyekto at nangupit, ang mga tiwaling kapitan ng barangay ay tinatawag ng iba niyang constituent na KUPITAN ng barangay. Sa sipag, tiyaga, talino, pagkakaroon ng sistema sa pamamahala, ang barangay ay mahusay na mapaglilingkuran ng mga matino, matalino, matapat at maasahan na mga kapitan.
Ang lalawigan ng Rizal ay may 188 barangay sa 13 bayan at isang lungsod. Pinakamalaking bayan ang Binangonan na may 23 barangay sa mainland o kabayanan at 17 barangay naman sa Talim Island. Sa kabilang bahagi ng Talim Island, ang bayan naman ng Cardona ay may siyam na barangay. Ang Jalajala, ang huling bayan na nasa eastern Rizal, ay may labing-isang barangay. Sampu sa kabayanan at isa ay nasa bundok--ang Barangay Paalaman.
Ayon sa COMELEC (Commission on Elections), tatlong barangay sa kabayanan ng Jalajala ang may malaking voting population tulad ng Bgy. Bayugo, Bgy. Special District at Bgy. Sipsipin. Ang Pililila na kalapit na bayan ng Jalajala ay may siyam na barangay. Ang limang barangay ay nasa kabayanan. Ang apat ay nasa pagitan ng bundok at Laguna de Bay tulad ng Bgys. Halayhayin, Quisao, Niogan at Malaya, na kinaroroonan ng Malaya Power Plant na nagsusuplay ng kuryente sa Rizal at ibang bayan sa Metro Manila. Sa Bgy. Halayhayin naman ay naroon ang may 27 windmill na nagsusuplay din ng kuryente sa Rizal at ilang bayan sa Metro Manila. Ang nasabing mga windmill ay isa nang tourist destination sa Rizal.
Ang Lungsod ng Antipolo ay may 16 na barangay. May 19 na barangay ang bayan ng Tanay. Sampu ang mountain barangay o nasa bundok at siyam na barangay naman ang nasa bayan. Ang Bgy. Sta. Ines ay ang pinakamalayong barangay sa Tanay.
Halos nasa boundary na ito ng Rizal at Quezon. Sa kabilang bundok ang nasabing barangay, nararating naman ng tulong ng pamahalaang panlalawigan at lokal na pamahalaan at ng kaunlaran. Maayos na naglilingkod ang mga kapitan ng barangay.
Sa panahon ng ating mga ninuno at bago dumating ang mga Kastila, na ang mga Pilipino ay nahasikan ng binhi ng Kristiyanismo at natutong tumingala sa langit, ang namumuno sa barangay ay mga datu. Nang dumating ang mga Kastila at masakop ang bansa nang may 300 taon, ang mga namuno sa barangay ay tinatawag na “Cabeza de Barangay”. Sila ang kinikilalang ama sa barangay ng kanilang nasasakupan. Mababanggit na halimbawa si Kabesang Tales sa nobelang “El Filibusterismo” ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal na inagawan ng lupa ng mga prayle.
Bago napagtibay ang batas tungkol sa barangay, ang namumuno noon sa barangay ay tinatawasg na “Tiniente o Tininte del Barrio”. Sila ang nangangalaga sa kaayusan at katahimikan ng barangay. Wala silang suweldo o gratis ang kanilang paglilingkod. Sa ngayon, ang barangay ay isang nang basic unit ng pamahalaan. Ang mga barangay at maging ang Sangguniang Kabataan, kung nagdaraos ng halalan ay salamin ng demokrasya.
Ngayong Mayo 2018 ay muling idaraos ng magkasabay ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections. Ang sabay na halalan ay gagawin sa darating na ika-14 ng Mayo. At nitong Mayo 4, sinimulan ang sampung araw na kampanya ng mga kandidatong kapitan o chairman ng brangay, mga kagawad at ng Sanggunian Kabataan (SK).
Tulad ng inaasahan, sa simula ng kampanya, biglang namutiktik at namulaklak sa mga bakod ng mga baha, mga istratehikong lugar at mga tindahan sa mga barangay ang mga isinabit at idinikit na makukulay na poster at tarpaulin ng mga kandidato. Hindi naiiba sa istilo ng political campaign ng mga pusakal na sirkero at payaso sa pulitika.
Kasama ang kanilang mga supporter, ang mga kandidatong kapitan at mga kagawad ay nagsimulang mangampanya. May nagbahay-bahay o house to house. Ang ibang kandidato ay may parada at kasamang banda ng musiko. Naging parang pista sa barangay. Ang kampanya ng mga kandidatong kapitan, mga kagawad at SK ay matatapos sa Mayo 12. Marami ang umaasa na magiging payapa at tahimik ang kampanya maliban sa ibang barangay sa maiinit ang ulo ng mga residente, pasaway at mahilig manggulo at gumawa ng karahasan.
Ang halalan sa mga barangay at ng mga kabataan, tulad ng lokal at pambansang eleksiyon ,ay isang magandang pagkakataon na patalsikin o sipain sa tungkulin ang mga bugok at corrupt na opisyal ng barangay. Palitan ng matino, matalino, matapat at maasahan sa panunungkulan. Ang halalan ay panahon ng muling paghalal sa mga lider na karatdapat maglingkod sa bayan.