Ni MARY ANN SANTIAGO
Isang pulis ang nasugatan makaraang mabaril ng hindi nakilalang suspek na lulan sa motorsiklo, na bigla na lang sumulpot sa kasagsagan ng buy-bust operation sa Cainta, Rizal, kahapon ng madaling araw, na nagresulta sa pagkakaaresto ng anim na hinihinalang drug suspects.
Nabaril sa hita si PO3 Allan Sinampan, operatiba ng Cainta Drug Enforcement Team (DET), samantalang nakatakas at hindi nakilala ang bumaril sa kanya.
Ayon kay Police Regional Office (PRO)-4A director Chief Supt. Guillermo Eleazar, dakong 3:30 ng umaga nang magsagawa ng buy-bust operation ang grupo ng Cainta-DET sa loob ng Green Woods Executive Village sa Barangay San Andres, Cainta.
Nagsilbi umanong undercover agent si PO3 Sinampan at nang maisagawa ang transaksiyon ay sumenyas sa kanyang mga kasamahan upang arestuhin na ang mga suspek.
Gayunman, isang lalaki na sakay sa motorsiklo ang biglang dumaan at nagpaputok sa mga pulis, kaya tinamaan ang biktima.
Hindi naman nakaganti ng putok ang mga awtoridad sa pangambang tamaan ang mga sibilyan sa lugar.
Nakatakas ang gunman, ngunit naaresto naman ng mga pulis ang mga suspek na target ng buy-bust na sina Joenard Borja, John Carlos Vertudez, Oscar Litab, Mark Renniel, Fabby Lora, at Gemma Oliva, na pawang sasampahan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).
Narekober umano ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang 26 na plastic sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.