Ni Fr. Anton Pascual
MGA Kapanalig, pagpupugay sa ating mga manggagawa nitong nakaraang Labor Day!
Nakadalawang Labor Day na si Pangulong Duterte, ngunit isyu pa rin ang contractualization. Inamin na ng tagapagsalita ni Pangulong Duterte gayundin ng kalihim ng Department of Labor and Employment (DoLE) na malabo na ang paglalabas ng isang executive order na tutuldok sa “endo” o end of contract o kontraktwalisasyon. Hindi raw kasi nagkakasundo ang mga grupong kanilang kinukonsulta, kaya ipapasakamay na lamang nila sa mga mambabatas ang lubusang pagbuwag sa sistema ng labor contractualization.
Gayundin, mukhang magtitiyaga na lamang ang mga contractual na manggagawa sa paghahabol ng DoLE sa mga malalaking kumpanya at korporasyon, gaya na lamang nang sabihan nito ang may-ari ng dalawang kilalang fast food chains na gawing regular ang aabot sa 7,000 contractual na mangagawa nito dito sa Metro Manila. Nagpahayag naman ang CEO ng nasabing korporasyon na tatalima sila sa utos ng DoLE. Masasabi nga nating isa itong tagumpay para sa libu-libong manggagawa ng mga fast food chains na apply nang apply kada lima o anim na buwan at nagtatrabaho nang walang anumang benepisyo at seguridad. Subaybayan natin kung maipatutupad nga ito at kung magagawa ito sa ibang malalaking negosyo.
Ginagarantiya ng ating Saligang Batas ang karapatan ng bawat isang magkaroon ng trabaho sa isang makataong kalagayan at nang may disenteng sahod. Isa ito sa mga probisyon ng ating Saligang Batas na nagtataguyod ng katarungang panlipunan o social justice, at masasabi nating naaayon rito ang ginagawang pagpapanagot ng DoLE sa mga malalaking kumpanyang inuuna ang kita kaysa sa kapakanan ng kanilang mga manggagawa.
Bagamat bumababa ang bilang ng mga contractual na manggagawa—mula 1.33 milyon noong 2014 ay naging 1.19 milyon ito noong 2016—marami pa rin sa mga kababayan natin ang nagtatrabaho nang walang kasiguraduhan at walang benepisyo, gaya ng mga crew sa mga fast food chains. Kaya mabuting hakbang tungo sa makataong paggawa ang ginagawa ngayon ng DoLE, bagamat mas mainam pa rin ang pagkakaroon ng malinaw na patakaran at malakas na batas laban sa mga negosyong hindi patas sa kanilang mga manggagawa.
Isa sa mga pangunahing prinsipyo ng mga panlipunang turo ng Simbahan ang dangal ng paggawa. Mahalaga ang paggawa upang matugunan ng tao ang kanyang mga pangangailangan, mapaunlad ang kanyang mga kakayanan, at magkaroon siya ng kahulugan at pagpapahalaga sa sarili. Kaya’t naniniwala tayo sa Simbahan na karapatan ng bawat isang makapaghanapbuhay, at dapat na napapangalagaan ang kanyang kapakanan bilang manggagawa.
Sa Rerum Novarum, sinabi ni Pope Leo XIII na bagamat nakasalalay sa personal na pagkukusa at pagkilos ng tao ang paggawa, hindi ito maihihiwalay sa kung ano ang sapat upang siya’y mabuhay. Ibig sabihin, dapat na nakabubuhay sa tao ang bunga ng kanyang paggawa, at nangyayari ito kung sapat ang natatanggap niyang sahod at may katiyakan siya sa kanyang pagtatrabaho.
Mailap ito sa kaso ng mga manggagawang nawawalan ng hanapbuhay matapos ang lima o anim na buwan at hindi nakatatanggap ng sahod na sasapat sa kanilang pangangailangan. Nakalulungkot na marami sa ating mga kababayan ang hindi magawang tanggihan ang pagiging “endo” o contractual dahil wala na silang mahahanap na trabaho. Samantala, ang mga namumuhunan, tuluy-tuloy lang sa pagnenegosyo at pagyaman. Matinding kawalan ng katarungan ang sinasalamin ng ganitong kalagayan ng mga manggagawa, at ang kanilang dangal bilang tao ang unang-unang nalalabag.
Kaya nawa’y magpatuloy ang DoLE na itama ang mga baluktot na gawain ng mga employers na labag sa dangal ng paggawa ng tao. Bantayan natin ang mga susunod na gagawin ng ating pamahalaan upang mabigyan ng katiyakan sa paggawa ang ating mga kababayang biktima ng mapagsamantalang uri ng kontraktwalisasyon, kahit pa napako ang pangako ng Pangulo na bubuwagin niya ang contractualization.
Sumainyo ang katotohanan.