SA lumabas na resulta sa opinion survey ng Pulse Asia nitong Miyerkules, sinasabing 64 na porsiyento ng mga Pilipino ang tumututol na amiyendahan ang Konstitusyon—mas mataas kumpara sa 44% noong 2016. Pinakamarami ang bilang ng mga tumututol sa Luzon sa labas ng Metro Manila na may 71%; Metro Manila—59%; at Mindanao—58%.
Sa 64% tutol sa Charter change, kalahati o 32% ang nagsabing bukas sila sa pag-amyenda sa Konstitusyon sa hinaharap.
Habang ang kalahati ay nagsabing buo ang kanilang pagtutol sa pag-amyenda ngayon at sa darating pang panahon.
Ang mataas na bilang ng tumututol sa Charter change ay nakagugulat, lalo pa’t kung isasaalang-alang na ito ang pangunahing adbokasiya ni Pangulong Rodrigo Duterte na patuloy na tinatamasa ang mataas na trust ratings. Paulit-ulit nang binabanggit ng Pangulo ang panawagan nitong pagpapalit ng kasalukuyang sistema ng pamahalaan sa Pederalismo, upang bigyan ng kalayaang magkapagsarili ang mga rehiyon sa bansa, partikular ang rehiyon ng mga Moro sa Mindanao.
Nakikita natin ang ilang posibleng rason sa matinding pagtutol ng marami sa Charter change, una na rito ang posibilidad na pagkakaroon ng bagong Konstitusyon na binalangkas at inaprubahan ng kasalukuyang mga mambabatas at senador sa isang Constituent Assembly.
Bumuo ang Pangulo ng isang Consultative Commission na kinabibilangan ng mga awtoridad at dalubhasa, sa pangunguna ni dating Chief Justice Renato Puno, na nakapaghain na ng dalawang mahalagang rekomendasyon— ang paglilimita sa political dynasties at ang pagpapahinto ng ‘turncoatism,’ o pagpapalipat-lipat ng isang pulitiko sa iba-ibang partido habang nasa termino. Tila hindi ito lulusot sa Constituent Assembly, na ang mga miyembro—na kasalukuyang kongresista at senator ay nanggaling mismo sa malalaking bilang ng pamilya ng mga pulitiko.
Ang kasalukuyang 1987 Constitution ay binalangkas ng isang Constitutional Commission, na ang mga miyembro ay itinalaga ni dating Pangulong Cory Aquino, ngunit ang mga ito ay mga natatanging mamamayan at mga dalubhasa sa kani-kanilang larangan. Marahil ang mapupuna sa kanilang binuong Konstitusyon ay tila naging isang reaksiyon sa nakalipas na awtoritaryan na pamahalaan ng nakalipas na martial law administration ni Pangulong Marcos.
Marahil ang isang Constitutional Convention, na binubuo ng natatanging inuluklok na mga miyembro, ang pinakamainam para sa anumang Charter change. Pipili ang mga Pilipino sa mga pinagkakatiwalaang awtoridad sa larangan ng Konstitusyon at ng Batas. Maaaring manalo ang ilang pulitiko sa ganitong klaseng eleksiyon, ngunit hindi nila ito madodomina, tulad ng pagdomina nila sa kasalukuyang Kongreso.
Ang pagtingin na ang hakbang ng pag-amyenda sa Konstitusyon ay pangunahing paraan upang maipatupad ang pederalismo ang maaaring nakaragdag umano sa negatibong resulta ng Pulse Asia survey. Marami ang natatakot na maaaring magdulot ng pagkakawatak-watak ng buong bansa ang pagpapatupad ng Pederalismo, habang madadagdagan ang gastos sa burukrasiya.
Ayon sa Pulse Asia Survey, 66% ang tutol sa pagpapalit ng kasalukuyang sistema ng pamahalaan sa federal na anyo.
Gayunman, ang nais ng Pangulo na maibigay ang kalayaang pagsasarili sa rehiyon ng mga Moro ay maaaring makamtan sa pamamagitan ng Bangsamoro law na nakahain na sa Kongreso. Ang ibang mga rehiyon sa bansa ay maaari ring mabigyan ng mas malaking karapatan at pondo sa ilalim ng probisyon ng kasalukuyang Konstitusyon.
Sa kabila ng resulta ng Pulse Asia survey, sinabi ng Malacanang at ng mga kaalyado nito sa Kongreso na plano nilang maglunsad ng information campaign upang turuan at maabot ang mga mamamayan sa reporma sa Konstitusyon. Marami at napakahirap ng haharapin nilang trabaho.