Ni Bella Gamotea
Nasa kustodiya ngayon ng Makati City Police ang basketball player na si Mark “Macmac” Cardona matapos na saksakin umano ang kanyang kinakasama sa kasagsagan ng kanilang pagtatalo sa loob ng kanilang condominium unit sa lungsod, kahapon ng madaling araw.
Mark Reynan Cardona y Mikesell ang buong pangalan ng 37-anyos na manlalaro ng San Juan Knights ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL), at kilala sa alyas na “Captain Hook”.
Nilalapatan naman ng lunas sa ospital ang live-in partner ni Cardona na si Bianca Nicole Jacket y Cabildo, 25, dahil sa tinamong saksak sa kaliwang braso.
Sa inisyal na ulat na ipinarating ng Southern Police District (SPD), dakong 5:30 ng umaga nang mangyari ang pananaksak sa Avida Tower 2 sa Barangay San Antonio, Makati.
Nasa loob ng condo unit ang biktima at suspek nang biglang magtalo hanggang kumuha umano ng patalim si Cardona at sinaksak si Jacket, na nasalag ang kutsilyo.
Mismong si Cardona ang nagdala sa biktima sa ospital, tsaka sumuko sa awtoridad.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na naging laman ng mga balita si Cardona hindi dahil sa paglalaro niya ng basketball.
Pebrero ngayong taon nang napaulat na kinasuhan siya ng estafa sa pagsasangla ng isang nakaw na sport utility vehicle (SUV), habang Agosto 2016 naman nang isugod siya sa ospital dahil sa drug overdose.