Ni REGGEE BONOAN

ANG popster (fan ni Sarah Geronimo) na may Twitter account na Mico1617, Miko Marz ang tunay na pangalan, ay nag-disable ng kanyang social media accounts dahil napag-isip-isip niyang nadala siya ng bugso ng damdamin at marahil ay natakot na inireklamo siya ni Angeline Quinto sa Philippine National Police nitong Biyernes ng kasong Cyberbullying and Threat.

ANGELINE AT SARAH copy

Bago nag-disable ng kanyang social media accounts ay nag-message siya sa kampo ni Angeline ng, “Hi admitted ko po pagkakamali ako from being impulsive at di nag-iisip. I just hope makapag-usap kami ng maayos. Ayaw ko rin po masira ako sa trabaho ko... salamat.”

Tsika at Intriga

Kris Aquino, hinihikayat ulit na magpaalbularyo

Nagpadala rin ng contact number at email address si Miko para makausap niya si Angeline, “Sorry, pakiabot na lang kina Angie at Mori thank you for the lesson. I love Sarah so much lang talaga.”

Sinulat namin kahapon na hindi kami naniniwalang supporter ito ni Sarah dahil wala naman kaming nakilalang popster na ganito kasama ang ugali. Halos lahat ng nakakaharap naming popsters ay maayos at magagalang kausap, kaya inisip namin na baka nagpapanggap lang para siraan sina Angeline at Morisette Amon.

Pero pinadalhan kami ng mga katibayan na popster talaga si Miko Marz na halos lahat ng events ni Sarah sa Metro Manila ay napupuntahan niya at monitored din niya ang lahat ng out of the country shows ng pop princess.

May ipinadala ring litrato sa amin na nakakapasok ng dressing room ni Sarah sa ABS-CBN si Miko, at kung hindi kami nagkakamali ay sa mga programa ito ng ASAP at The Voice Kids.

Nakapalitan naman namin ng mensahe si Angeline kahapon tungkol dito at kung ano ang plano niya ngayon na gustong makipag-ayos ang popster na lumapastangan sa mama niya at nagbanta pang ipatutumba sila.

“Hindi ko po iuurong ang kaso lalo na mas maraming tumutulong sa akin dahil alam kong wala akong kasalanan sa kanila. Idinamay pa nila ang Mama Bob. Sana ako na lang, ako lang ‘wag ang Mama Bob ko.”

Kilala naming malambot ang puso, maawain at madaling magpatawad si Angeline, pero sa pagkakataong ito ay matigas ang dalaga at sigurado kami na desidido siyang ipakulong si Miko Marz.

Mukhang may isa pang gusto ring sumikat na nangangalang Eddie M @Eddiedhandsome na nag-post din ng, “Hoi plastic, mamatay na daw nanay mo bago mag-Mother’s Day kaya magmakaawa ka na sa kaplastikan mo.”

Agad itong sinagot ni Angeline ng, “Hindi mo alam ang epekto nito sa akin. Sana ako na lang ang winish mong mamatay.

Hindi ang Mama ko. Walang kasalanan ang Nanay ko sa ‘yo. Sana makilala kita, Eddie. Sana makapag harap tayo. Sana magpakita ka sa akin.”

Nakakagulat na ganito pala ang pagkatao ng ilang popsters, nagsasalita sila ng hindi magaganda sa kapwa nila at nagagawa pang magsalita tungkol sa kamatayan.

Wala sigurong magulang si @Eddiedhandsome. O sadyang ganito siya pinalaki? Wala ka siyang takot sa Panginoong Diyos sa mga pinagsasabi niya.

Samantala, dinadamayan si Angeline ng lahat ng supporters at mga kasamahan niya sa showbiz. Nakarating na rin kay Sarah ang ginawa ng avid fan niya at humingi ito ng paumanhin.

“Ayoko na pong sabihin pero sobra akong lalo humanga kay Sarah, kasi nakatanggap po ako ng message sa kanya, at humihingi po siya ng sorry sa akin. Maayos kasi kami ni SG, eh. Wala akong kahit anong (masasabi). Wala akong kuwestiyon sa ugali ni Sarah, simula noon. Bata pa lang kami, magkakilala na kami. Nasasaktan din po ako na nangyayari ito sa amin na ang daming taong nadadamay,” pahayag ni Angeline sa panayam sa kanya ni MJ Felipe.