READY and confident.
Ito ang nais ipabatid ni Philippine chess wizard Alexandra Sydney Paez sa kanyang nalalapit na International Chess Tournament.
Si Alexandra Sydney, ang Cabuyao at Calamba Junior Girl Champion na top player ni Mayor Atty. Rommel “Mel” A. Gecolea ang kakatawan sa bansa sa chess event sa 19th Asean Age Group Chess Championship na gaganapin sa The Royal Mandaya Hotel sa Davao City mula Hunyo 18 hanggang 28, 2018.
Nakatutok ang bansa sa pagdepensa sa overall crown kung saan nagwagi tayo ng 83 ginto, 37 silver at 29 bronze sa nakalipas na edisyon sa Pahang, Malaysia. Inaasahan ang 500 chess players mula 10 countries ang lalahok sa 14 age-group divisions sa juniors division, at dalawa sa seniors division.
Ang incoming Grade 9 student ng Colegio de San Juan de Letran-Calamba ay nakatakda ring lumahok sa 2018 Asian Universities Chess Championship sa Mayo 26 hanggang Hunyo 2, 2018 na gaganapin sa Tagaytay International Convention Center (TICC) sa Tagaytay City.
Ang 13-anyos na si Alexandra Sydney, anak ni Philippine Executive Chess Association (PECA) Public Relation Officer (PRO) Dr. Alfred Paez, ang two-time Champion sa pamosong us Golden Mind Under 14 Kiddie Chess Tournament sa Lipa City, Batangas, Gold Medalist sa high school girls division ng NCAA South at nag second over-all sa 2018 National Age-Group Chess Championships (Visayas Leg) na ginanap sa City Mall, Kalibo, Aklan nitong Enero 27-28, 2018.
Miyembro rin siya ng koponan na sumabak sa 2017 East Asian Chess Championship sa Tagaytay City.
Isa din sa pinaghahadaan ni Alexandra Sydney ang paglahok sa World Youth Chess Championships 2018 na gaganapin sa Porto Carras, Halkidiki, Greece sa Northern coast ng Aegean Sea mula Oktubre 19 hanggang 31, 2018.