Nina Merlina Hernando-Malipot at Leonel M. Abasola
Umapela si Education Secretary Leonor Briones ng mas mataas na honoraria, walang buwis at dagdag na benepisyo para sa poll volunteer teachers na magsisilbi sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Mayo 14.
Sa isang pahayag, sinabi ni Briones na patuloy na sinisikap ng Department of Education (DepEd) na maisulong ang kapakanan at proteksiyon ng mga guro na magsisilbi sa 2018 local elections.
Kabilang sa mga pagsisikap na ito ang petisyon sa Commission on Elections (Comelec) na itaas ang honoraria at allowances at huwag nang buwisan ang kanilang kompensasyon, gayundin ang pagtatalaga ng disbursing officer sa cash advance “for medical expenses of teachers who will serve in the Electoral Boards.”
Humirit din siya ng karagdagang dalawang araw na service credits bukod pa sa limang araw na service credit, alinsunod sa Election Service Reform Act (ERSA).
Nakiisa sa panawagan ng DepEd si Senador Bam Aquino, at hiniling sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na huwag nang buwisan ang honoraria ng mga guro na magsisilbi sa halalan.
“Bigyan naman natin sila na kakaunting ginhawa sa dami ng buwis,” ani Aquino.