Ni Mina Navarro
Inatasan ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang pamunuan ng Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) na gawin nang regular sa trabaho ang 7,306 na empleyado nito.
Ito ay matapos na ibasura ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang motion for reconsideration ng PLDT na baligtarin ang naunang resolusyon ng DoLE sa usapin noong Enero 10, 2018.
Sa inilabas na resolusyon nitong Abril 24, ibinasura ng kalihim ang apela ng PLDT at ng 35 nitong contractor dahil sa kawalan ng merito.
Bukod sa utos na gawing regular ang nasabing bilang ng mga manggagawa, pinagbabayad din ng kagawaran ang PLDT ng P51.6 milyon bilang benepisyo ng mga ito.
Tinukoy ni Bello na gawing regular ng PLDT ang mga empleyado nito mula sa Activeone Health Inc., Aremay Enterprise, BBS-VPN Allied Services Corporation Philippines, Best Options Assistance Inc., Comworks Inc., Consolidated Management Resources, Curo Teknika Inc. at Diar’s Assistance Inc.
Paliwanag ng kagawaran, maituturing na labor-only contracting ang pagpapakalat ng mga naturang kumpanya ng manggagawa sa PLDT, na ipinagbabawal sa Labor Code.
Saklaw din ng naturang direktiba ang iba pang kumpanya na nagsu-supply ng mga manggagawa sa PLDT.