MAG-IINSPEKSIYON sana noong nakaraang linggo ang mga opisyal sa isang proyektong pabahay ng pamahalaan para sa mga nawalan ng tirahan sa Zamboanga siege noong 2013 nang bumigay ang kahoy na tulay na kanilang nilalakaran. Nahulog sila sa maruming sapa na kinatitirikan ng mga bahay na itinayo ng National Housing Corporation sa Barangay Rio Hondo sa Zamboanga City.
Nakapanlulumo ang nangyari para sa mga opisyal na dumayo sa lugar upang imbestigahan ang mga ulat na gawa sa mahinang klase ng materyales at dispalinghado ang pagkakabuo sa mga bahay na itinayo ng gobyerno sa mga naapektuhan ng nabanggit na kaguluhan. Ang nasabing pagsisiyasat ay pinangunahan ni Negros Occidental Rep. Alfredo Benitez, kasama sina Zamboanga City Rep. Celso Lobregat, at Mayor Beng Climaco.
Bahagya lang silang nasaktan sa pagkakahulog nila sa sapa mula sa bumigay na tulay, subalit dahil sa nangyari ay tumindi ang kanilang pagdududa na ang mga bahay na itinayo para sa mga biktima ng Zamboanga siege ay yari sa kaparehong palpak na materyales at pagkakagawa sa tulay.
Nabunyag din sa mga sumunod na ulat na may isa pang problema na nadiskubre sa insidente sa tulay. Ang sapa kung saan sila nahulog ay sobrang dumi kaya naman kumapit sa kanilang balat ang nakasusulasok na amoy nito kahit pa paulit-ulit na silang naglinis. Kinailangan pa ng ilan sa kanila na kumonsulta sa doktor sa pangambang naapektuhan sila ng kinalubluban na maruming tubig.
Nangyari ang insidente sa Zamboanga habang tinututukan ng bansa ang usapin sa Boracay—ang isla at ang napakaraming istruktura roon na ilegal na itinayo, ang lagi nang matao na dalampasigan at mga pasilidad, at ang nakakadiri at hindi sapat nitong sewerage system. Naging “cesspool” na ang Boracay, sabi nga ni Pangulong Duterte, na ipinag-utos ang pansamantalang pagpapasara nito sa lahat ng turista para bigyang-daan ang anim na buwang rehabilitasyon.
Malayo ang Rio Hondo sa Boracay, subalit parehong may problema sa polusyon ang dalawang lugar. Sa bandang hilaga, sa Manila Bay, nakukulapulan ang Pasig River ng lahat ng dumi ng mga komunidad na nakapaligid sa ilog. Taong 2008 nang ipag-utos ng Korte Suprema, bilang tugon sa reklamo ng mamamayan, sa 13 ahensiya ng pamahalaan, sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), na linisin ang lawa, subalit nananatiling matindi ang polusyon nito.
Ang nangyari sa Rio Hondo ang huling insidente na magpapaalala sa atin na totoong malawakan ang polusyon sa bansa. Kinailangan ang matinding political will upang maipasara ang Boracay, pero naisakatuparan pa rin ito. Sa iba’t ibang antas ay nananatili ang problema sa polusyon sa maraming bayan at siyudad at isla sa bansa. Hindi na dapat pang hintayin ng mga alkalde at gobernador at iba pang lokal na opisyal na manghimasok pa ang Pangulo para resolbahin ang problema sa kani-kanilang lokalidad. Dapat ay kusa na nilang simulan ang solusyon sa problema.