Ni Aaron Recuenco

Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde na tukoy na niya ang kanyang mga pulis na naninira sa kanya sa social media.

Inilabas ni Albayalde ang pahayag nang matunton ng PNP ang pagkakakilanlan ng mga pulis na nagpakalat ng sunud-sunod na batikos laban sa PNP Chief sa Facebook page na ‘Buhay Lespu’.

Aniya, hindi madaling matatakasan ng kanyang mga basher—na sarili niyang mga tauhan—ang masasakit na batikos ng mga ito sa kanya, gamit ang pekeng accounts.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

“They are all policemen. We have already identified them and I have already instructed the Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) to come up with an order for them to meet me on Monday,” sabi ni Albayalde.

Inamin ni Albayalde na nagsimula siyang tumanggap ng mga personal attack nang simulan niya ang pagsibak sa mga hepe at pulis na naaktuhan niyang natutulog habang naka-duty sa Metro Manila.

Aniya, kahit noong hepe pa lang siya ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ay hindi na siya inirerespeto ng mga nasabing pulis.

“Remember we are in uniformed service. There are some things that we should not be saying in front of the media against someone because we have norms, we have policies and rules regulations have to be followed,” ani Albayalde.

Siniguro rin ng bagong PNP Chief na sasampahan ng kasong administratibo ang mga nasabing pulis, na kung hindi masususpinde at masisibak sa serbisyo.