Ni Fer Taboy

Patay ang isang miyembro ng Special Partisan Unit (Sparu) ng New People’s Army (NPA), makaraang makasagupa ang mga pulis sa isang checkpoint sa Barangay Dambo sa Pangil, Laguna kahapon.

Sinabi ni 1st Lieutenant Felise Vida Solano, public information officer ng Southern Luzon Command (Solcom), na apat pang rebelde ang nasugatan at naaresto ng mga awtoridad sa nasabing lugar.

Ayon sa report ng Pangil Municipal Police, kinilala ang nasawi na si Ismael Criste, alyas “Ka Maeng”, na pinuno umano ng assassination squad ng NPA.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon sa ulat, pinara ng mga pulis sa checkpoint ang pulang Daihatsu na sinasakyan ng mga rebelde.

Sinabi naman ni Police Regional Office (PRO)-4A director Chief Supt. Guillermo Eleazar na bago ang engkuwentro, nagsagawa na ng surveillance operation ang pulisya sa bayan ng Pangil makaraang makatanggap ng ulat na may pinaplano ang mga rebelde na umatake sa mga pulis at sundalo sa lugar.

Sinabi ni Eleazar na si Criste ay lider din ng Rebolusyonaryong Buwis Para sa Kaaway na Uri ng NPA.

Kinilala naman ang apat na nadakip na sina Luis Alano, Jr., 44 anyos; Shirley Martinez, 47; Felicidad Villegas, 60; at Cristy Lacuarta, 30 anyos.

Nakuha mula sa mga suspek ang dalawang .45 caliber pistol, isang sub-machine gun na may mga bala, dalawang granada, at mga dokumento.