Ni Aris Ilagan
HINDI na maikakaila na naglipana ang mga motorsiklo sa lansangan.
Saan ka man lumingon, kaliwa’t kanan ay may matatanaw na motorsiklo.
Sa tuwing umaga sa pagbiyahe ni Boy Commute patungong opisina, mistulang motorsiklo ang naghahari sa mga lansangan.
Ito’y resulta ng matinding trapik, kakulangan sa pampublikong sasakyan, patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, at ganun din sa bayarin sa parking fee para sa mga sasakyang may apat na gulong at higit pa.
Hindi biro ang mag-motorsiklo sa araw-araw na ibinigay ng Diyos.
Nandiyan ang alikabok, usok, init ng araw, iba’t ibang lumilipad na insekto at kung mamalasin pa, ipot ng ibon.
Oo nga’t masasabing ninyong talagang nakadidiri subalit mayroon bang opsiyon?
Ito ang mga dahilan kaya’t napupuwersa ang ating mga kababayan na magtiis nalang at sumakay sa motorsiklo imbes na naghihintay sa wala tuwing rush hour.
At dahil stressful ang pagmomotor araw-araw, maraming rider ang nagre-relax sa pagsapit ng weekend at nagtutungo sa iba’t ibang tourist spot.
Subukan ninyong dumayo sa Tagaytay, Tanay o Batangas tuwing Sabado o Linggo. Makikita n’yo kung gaano nang kadami ang mga rider na bumibiyahe patungo sa iba’t ibang tourist spot.
Parang mga estudyante sa grade school, maayos na nakahilera ang mga ito ng double-file formation sa kanilang pagbiyahe kung saan may itinalagang lead rider at sweeper pa.
Kadalasan, mayroon ding mga sumasamang backride – misis o girlfriend ng rider.
Sa kanilang pagbiyahe, natural lang na magsagawa ang mga ito ng ‘stopover’ upang magkarga ng gasolina o kumain ng pananghalian o meryenda.
Obserbahan niyo ang mga rider sa pagdating sa mga restaurant. Hindi ba’t ibinabalagbag ng mga ito ang kanilang helmet at jacket kung saan-saan bago sila umupo sa loob ng establisimiyento.
Hindi mo rin masisi ang mga hinayupak dahil sa matinding pagod, hindi na nila naisip ang tamang paglalagyan ng mga jacket at helmet. Ito rin ang karaniwang pinagmumulan ng kaguluhan sa mga restaurant na madalas dinarayo ng mga rider dahil sa pag-okupa ng mga helmet at jacket sa mga upuan at mesa.
Sa ibang bansa, patok ngayon ang pagkilala sa mga ‘rider-friendly restaurant’ na dinaragsa ng mga rider.
Bukod sa pagtatalaga ng tamang lagayan ng helmet at jacket, nag-aalok din ang mga restaurant staff ng bimpo na ibinabad sa malamig na tubig.
Naobserbahan din ni Boy Commute na mayroong nakapaskil na emergency numbers ng mga ospital, pulisya at roadside assistance team sa entrada ng establisimento.
Kailan kayo tayo magkakaroon ng ganito sa ‘Pinas?