PNA

KINUMPIRMA ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno na maglalabas ang pamahalaan ng P490 milyon para sa rehabilitasyon ng Boracay Circumferential Road.

Kabilang ito sa nauna nang naibigay na P50 milyong budget na inilaan sa ilalim ng 2018 pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa nasabing proyekto.

“They already have PHP50 million in the budget, and that is what they are using right now. In a few days, we’ll release the PHP490 million. This is just for the road components,” sabi ni Diokno sa mga mamamahayag sa ginanap na “Breakfast with Ben” ng kalihim.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Bahagi ng rehabilitasyon ng Boracay Circumferential Road ang pagpapalawak ng mga kalsada at pagsasaayos ng drainage system.

Nitong nakaraang linggo, nagbigay ang DBM ng P448 milyon sa Department of Labor and Employment (DoLE) bilang tulong pinansiyal sa 17,735 residente at manggagawa sa Boracay na apektado ng anim na buwang rehabilitasyon ng isla.

Sinabi ni Diokno na ang pondong inilaan sa DoLE at sa DPWH ay mula sa contingency fund ng pamahalaan na nagkakahalaga ng halos P13 bilyon ngayong taon.

Bukod sa contingency fund, pinag-iisipan din ng gobyerno na gamitin ang calamity fund para sa rehabilitasyon ng Boracay.

“By declaring the area as calamity area, we can have access to calamity fund,” aniya.

Dagdag pa Diokno, inaasahan din nilang hihingi ng dagdag na pondo sa pamahalaan ang mga ahensiya ng gobyerno na may mga proyekto at programang nakaugnay sa rehabilitasyon.

Kamakailan, sinabi ni Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez na kailangan ng kanyang ahensiya ng P300 milyon mula sa pondo ng rehabilitasyon ng Boracay upang matulungan ang maliliit na negasyonte sa isla.

Ipinahayag naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pinag-iisipan ng Malacañang na gamitin ang P2 bilyon mula sa calamity fund, upang masuportahan ang rehabilitasyon ng sikat na isla.