Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS, ulat nina Beth Camia at Mina Navarro

Kasunod ng paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Executive Order (EO) No. 51 na nagbabawal sa illegal contractualization, umapela ang Malacañang sa Kongreso na apurahin ang pagpapasa sa Security of Tenure Bill upang ganap nang matigil ang lahat ng uri ng contractualization sa bansa, kabilang ang “endo” o end-of-contract scheme.

Ito ang inihayag kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque makaraang sabihin ng mga grupong manggagawa na hindi sila kuntento sa nasabing EO na pinirmahan ng Pangulo nitong Labor Day.

Sa panayam ng DZMM kahapon ng umaga, iginiit ni Roque na totoong hindi sasapat ang EO, at tanging ang Kongreso ang may kapangyarihang tuldukan ang contractualization.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“Talagang hindi naman po pupuwedeng gumawa ng batas ang Malacañang. So, talagang katungkulan po ngayon ‘yan ng Kongreso, noh. At kung babasahin ninyo naman ‘yung EO, talagang lahat na, ‘yan na lang po talaga ang pupuwedeng gawin ng Malacañang,” ani Roque. “Anything more will become executive overreach. It will become executive legislation na, madedeklara naman na unconstitutional ‘yan, noh.”

SESERTIPIKAHANG ‘URGENT’

Aniya, naipasa na ng Kamara ang bersiyon nito ng Security Tenure bill, at inaasahang sesertipikahan itong “urgent” ng Pangulo upang agarang aksiyunan ng Senado ang panukala.

“Kapag na-certify urgent, sana naman ay maaktuhan na rin iyong House version ng Senado. Sigurado naman kapag sinertify as urgent ‘yan, mapipilitan ang parehong Kapulungan na bigyan ng importansiya at mas pabilisan ang proseso ng pagpapasa,” sabi ni Roque.

“Pero intindihin ninyo po, ang dami na naming pakiusap po sa Kongreso, lalung-lalo na sa Senado. Nandyan po iyong BBL, tapos ngayon po itong kontraktuwalisasyon. So, parang—siyempre po tinitimbang din namin, ayaw naman naming isipin ng mga senador na masyadong manghimasok ang Presidente,” ani Roque.

“So dinadaan po natin sa pakiusap, dinadaan natin sa tamang proseso. Pero talagang desisyon ‘yan ng ating mga kagalang-galang na senador,” dagdag pa ni Roque.

BERSIYON NG LABOR SECTOR

Ayon pa kay Roque, inaasahan na ng Malacañang na walang makikitang maganda ang mga kritiko sa kahit ano pang gawin ng gobyerno.

“Bago pa nila malaman kung ano ang nakasaad sa EO ay binabanatan na nila. Ibig sabihin, kahit ano pa ang laman nito, babanatan at babanatan po nila; at kitang-kita naman po natin sa pangyayari ‘yan kahapon, noh,” sabi pa ni Roque.

Kasabay nito, tiniyak ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang pinirmahang EO ay alinsunod sa ginawang draft ng labor groups, bagamat nagkaroon ng bahagyang revision.

Kinontra ni Bello ang pahayag ng labor groups na hindi nakonsulta ang mga ito sa pinirmahang EO, dahil ang bersiyon umano ng Department of Trade and Industry (DTI) at employer sector na nilagdaan ni Duterte.