Ni Ellson A. Quismorio
Spoiler warning: Hindi dapat basahin ng mga hindi pa nakapanood ng “Avengers: Infinity War”.
Matindi ang pagtataka ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat Jr. kung paanong mistulang dedma ang Department of Tourism (DoT) sa napakahalaga at usap-usapan ngayong pagkakatampok ng sikat na Banaue Rice Terraces ng Cordillera sa huling bahagi ng super-mega hit movie na “Avengers: Infinity War”.
“I’m surprised that the DoT is not reacting,” sabi ni Baguilat. “That the producers and writers chose the Terraces as the most powerful being’s retirement place to watch the sunset is a testament to the Ifugao Terraces’ appeal.”
Sa huling bahagi ng patok na pelikula, ilang segundong itinampok ang Banaue Rice Terraces bilang napiling retirement place ng “most powerful being” sa pelikula, ang kontrabidang si Thanos (Josh Brolin), sa eksenang nakaupo ito sa loob ng kubo habang pinagmamasdan ang paglubog ng araw sa popular na hagdan-hagdang palayan.
Para kay Baguilat, ang hindi inaasahan at patok na exposure ng Rice Terraces sa nasabing pelikula at isang napakalaking oportunidad para sa bansa, ilang araw makaraang pansamantalang isara sa mga turista ang Boracay Island—ang pinakasikat na tourist destination sa Pilipinas.
Bukod dito, inangkin na ng “Avengers: Infinity War” ang record para sa pinakamalaking kinita sa opening weekend sa buong mundo, nang humakot ng $640 million kamakailan.
Kaya naman napakalaking usap-usapan ng mga spoiler sa social media ang nasabing eksena, na kinuhanan sa Barangay Batad sa Banaue, Ifugao.
Tirahan ng hindi aabot sa 2,000 katao, kilala ang Batad sa pagkakaroon ng pinakanaalagaang bahagi ng ilang siglo nang Rice Terraces.
Ilang dekada nang taglay ang titulong “Eight Wonder of the World”, ang Banaue Rice Terraces ay idineklara rin bilang United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) World Heritage site.