Ni Bert de Guzman
MAY mga report na nagsigawan noong nakaraang linggo sina DFA Sec. Alan Peter Cayetano at Labor Sec. Silvestre Bello III na nagsisisihan umano sa naganap na gusot sa Kuwait tungkol sa pagre-rescue sa distressed Filipinos na nagtatrabaho roon. Ang sigawan ng dalawa ay naganap sa Malacañang matapos ideklara ng Kuwait na persona non grata si PH Ambassador Renato Villa at sinabihang lumayas sa kanilang bansa.
Samakatwid, nag-aaway-away ang mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) dahil sa kapalpakan o kawalang-koordinasyon ng kanilang mga tanggapan hinggil sa mahahalaga at sensitibong bagay at usaping-panlabas, gaya ng nangyari sa Kuwait.
Noong una, nasa upper hand tayo, wika nga, nang ipatigil ni Mano Digong ang deployment o pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa Kuwait bunsod ng pagpatay kay OFW Joana Demafelis, na ang bangkay ay isinilid sa freezer ng kanyang mga amo.
Sa tindi ng galit ni PRRD na labis na nagmamalasakit sa Overseas Filipino Workers (OFWs), iniutos niya ang deployment ban upang malaman ng mga Arabo kung gaano kahalaga ang kasipagan, kabaitan at serbisyo ng mga manggagawang Pilipino, lalo na ang kababaihan, na kanilang minamaltrato.
Nasaktan marahil ang Kuwaiti government sa desisyong ito ng ating Pangulo. Parang ipinahihiwatig ng gobyernong Pilipino sa buong mundo na ang Kuwait ay isang “murderer country”, mapang-abuso at malupit sa mga manggagawa mula sa ibang bansa, tulad ng Pilipinas. Gayunman, hindi naman ganito sa Kuwait dahil mismong ang ating OFWs ang nagsasabi na maraming Kuwaiti employers ang mababait.
Kumilos ang gobyerno ng Kuwait at pinaghanap ang mag-asawang pumatay kay Joana. Ang lalaki ay isang Lebanese samantalang ang babae ay isang Syrian. Nahuli na raw sila at nahatulan ng kamatayan. Eh nasaan na sila ngayon? Natuloy ba ang pagbitay?
Inihayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang listahan at mga pangalan ng may 207 barangay captain at kagawad na umano’y sangkot sa ilegal na droga. Makatutulong umano ito upang hindi sila iboto ng mga tao sa gaganaping barangay elections. Papaano kung mali ang impormasyon laban sa kanila? Di ba ang mabuti ay kasuhan sila sa hukuman?
Hindi lang pala sa gobyerno laganap ang suhulan at kurapsiyon kundi maging sa pribadong sektor at private businesses. Batay sa 2018 EY Global Survey, ang Pilipinas ay ika-17 sa ranggo ng may 53 bansa “with highest perceived bribery and corruption practices in the private sector.”
Hala kayo, ayaw ito ni PDu30.
Baka kayo ang isunod niya sa mga tulak at adik na itumba sapagkat sinisipsip ninyo ang dugo ng ekonomiya ng Pilipinas na naghihirap at nagdurusa!