Ni Annie Abad
IKINALUKOD ng swimming community ang naganap na pagkakaisa ng dalawang stakeholder sa swimming – ang Philippine Swimming Inc. (PSO) at Philippine Swimming League (PSL) – nitong Martes na magsisilbi umanong bagong pundasyon para sa pagtibay ng sports.
Ayon kay Olympian at dating SEA Games swimming record-holder Eric Buhain, ang pagkakasundo nang mga opisyal mula sa dalawang grupo ay isang matibay na simula tungo sa mas matagumpay na kampanya ng mga atletang Pinoy.
“Masaya ako sa magandang balita na ito. Matagal na rin naman yun impasse sa swimming group. With one and united stand mas matibay ang organization na talagang maaaahan ng ating mga swimmers. I congratulated Ral (Rosario) and Madam Susan (Papa) for sacrificing their egos for the sake of the swimming,” pahayag ni Buhain sa FB message.
Iginiit naman ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez na napapanahon ang naging desisyon at pagkilos ng nagbabangayan dating grupo at umaasa ang pamahalaan na magiging mas maayos ang takbo ng swimming sa bansa.
“In General I’m looking forward that All stakeholders in All sports come together and work in unison for the benefit of the athletes and coaches,” sambit ni Fernandez.
Maituturing ‘breakthrough’ sa Philippine swimming ang pagkakasundo ng PSI at PSL para mabigyan nang tamang atensyon ang sports at pantay na trato sa national tryouts ang lahat ng swimmers mula sa anumang affiliation sa bansa.
“Swimming is sinking. Matagal na. Kami ay naniniwala sa liderato ni Ral (Rosario) na mabibigyan niya ng hustisya ang lahat ng swimmers sa bansa,” sambit ni Papa.
Iginiit naman ni Rosario na bukas ang PSI sa lahat ng mga organisasyon na nagnanais na makiisa dahil iisa lamang ang kanilang mithiin sa swimming.
“It’s about time to reach out to all stakeholders in swimming,’ pahayag ni Rosario.
Kasama ni Rosario sa isinagawang media conference nitong Martes si Olympian at dating PSc Commissioner Akiko Thompson.