Ni Genalyn D. Kabiling at Roy C. Mabasa

Isang high-level Philippine team ang nakatakdang bumisita sa Kuwait sa susunod na linggo sa pag-asang maibalik sa normal ang relasyon sa Gulf state.

Kasama sa deligasyon sina Labor Secretary Silvestre Bello III at Presidential Spokesman Harry Roque na tutungo sa Kuwait sa Mayo 7 sa gitna ng diplomatic row dahil sa pagsagip sa isang inaabusong Pilipino roon.

“Ang inaasahan naman natin po siyempre, makakatulong tayo sa pag-normalize ng ating pagsasama,” ani Roque sa government radio.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“At inaasahan pa rin natin ay iyong MOA na mapipirmahan nang tayo po ay makabalik na sa normal na relasyon diyan sa ating kaibigan na Kuwait,” dugtong niya, na ang tinutukoy ay ang panukalang kasunduan na magbibigay ng karagdagang proteksiyon sa overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait.

Sa kanyang talumpati sa Labor Day nitong Martes, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na isinusulong niya ang “soft landing” approach sa conflict sa Kuwait, at inamin na masyadang malaki ang nakataya.

“I’m not going to attack because we have ongoing talks,” anang Pangulo sa wikang Visayan sa pagdiriwang ng Labor Day sa Cebu City.

“I’ve decided not to add to anything because they are still there. So it’s just soft landing for me, just soft landing. I’m not going to carelessly give remarks because so much is at stake,” aniya

Nangako rin si Duterte na ipupursige ang lahat ng paraan para mapalakas ang proteksiyon para sa OFWs, lalo na sa Kuwait.

“We must also make sure that the necessary protection for the OFWs leaving for Kuwait are in place before they are allowed to be deployed,” aniya pa.

VILLA ALSA-BALUTAN NA

Samantala, inaasahan kahapon ang pagbabalik sa bansa ni Ambassador Renato Villa matapos ideklarang “persona non grata” ng host country dahil sa video ng pagsagip sa isang Filipino domestic helper mula sa bahay ng kanyang amo.

Si Villa, ang unang Filipino diplomat na pinalayas mula sa isang banyagang bansa, ay binigyan ng Kuwaiti government ng isang linggo para lisanin ang Gulf state.

Bukod sa pagpapatalsik kay Villa, inaresto rin ng Kuwaiti authorities ang apat pang mga opisyal na Pinoy na kasama sa rescue at naglabas ng tatlong arrest warrants, kabilang na sa isang ranking diplomat.

Nananatiling tikom ang bibig ng Department of Foreign Affairs sa mga detalye ng pagbabalik sa bansa ni Villa gayundin ang pag-aaresto sa tatlong hindi pa pinapangalanang Filipino diplomat na pinaniniwalaang nagmula sa Office of the Undersecretary Migrant Workers Affairs (OUMWA).

Nitong Martes, inamin ni Kuwait Deputy Foreign Minister Khaled Al- Jarallah na ang insidente ay “largely a misunderstanding and exaggeration of some minor or one-off cases” ngunit idiniin na hinihintay pa rin nila ang “handover” ng tatlong indibidwal na pinaniniwalaang nagtatago sa loob ng Philippine Embassy para mailarga na ang imbestigasyon.