ANG Reporters Sans Frontieres (RSF)—Reporters without Borders ay isang internasyunal na samahan na tagapayo ng United Nations, na nagsusulong at nagtatanggol sa malayang pamamahayag. Nagmula ang inspirasiyon nito sa Artikulo 19 ng 1948 Universal Declaration of Human Rights, na nagsasaad na ang bawat isa ay may “the right to freedom of opinion and expression.”
Taunang naglalabas ng ulat ang RSF, at ngayong taon inaakusahan nito ang Russia, China at ang Pangulo ng Amerika na si Donald Trump na pangunahing kumukontra sa malayang pamamahayag, at bumabatikos sa mga mamamahayag. Pinaratangan ng RSF si Russian President Vladimir Putin ng “stifling independent voices at home” at si Chinese President Xi Jinping ng pagpapataas ng “censorship and surveillance to unprecedented levels” sa pamamagitan ng “massive use of new technology.”
Tanging si Pangulong Trump ang binabatikos ng RSF at hindi ang mismong gobyerno ng Amerika, dahil sa personal nitong pag-atake sa mga mamamahayag at paulit-ulit na pag-akusa sa media ng Amerika, partikular ang New York Times, ng “fake news.” Ilan pa sa mga leader ng bansa na bukas na nagpahayag ng pagsalungat sa media, ayon sa RSF, ay ang pangulo ng India nasi Narendra Modi at si Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas.
Sa inilabas nitong 2018 World Press Freedom Index, nasa ika-133 ang ranggo ng Pilipinas sa 180 bansa, anim na beses na mas mababa mula sa 127 noong nakalipas na taon. Sinabi ng RSF ang kaso ng tatlong mamamahayag na napatay noong 2017, isang radio broadcaster sa Surigao del Sur, isang kolumnista ng tabloid sa Batangas at isang komentarista sa radyo mula Masbate. Binanggit din nito ang aksiyong ginawa ng ilang ahensiya ng gobyerno laban sa isang online network, isang istasyon ng TV at isang pahayagan. Ang ranggo ng 2017 ay mas mataas kumpara noong taong 2016, na nasa ika-138 ang Pilipinas.
Ang Pilipinas at Amerika ang natatanging bansa sa buong mundo na nakasaad sa konstitusyon ang ‘freedom of the press’ bilang isang pangunahing karapatan ng isang mamamayan. Ngunit ang pagtataya ng RSF ay ang aktuwal na banta sa malayang pamamahayag, partikular ang pagpatay sa mga mamamahayag. Lumilitaw na hindi nalilimutan ng organisasyon ang pahayag ni Pangulong Duterte noong 2016 nang sabihin nito sa media na: “Just because you’re a journalist, you are not exempted from assassination. If you’re a son of b****, freedom of expression cannot help you if you have done something wrong.”
Ito ay nakagawian nang paraan ng pagsasalita ni Pangulong Duterte at wala pang aktuwal na aksiyon ang ginawa laban sa sinumang mamamahayag. Subalit dahil dito, kabilang na ang Pangulo kina US President Trump, Putin ng Russia at Xi ng China sa pagtataya ng RSF na banta sa malayang pamamahayag sa buong mundo.
Gayunman, ang ranggo ng RSF sa Pilipinas na ika-133 sa mga bansa sa buong mundo sa isyu ng malayang mamamahayag ay dahil sa tatlong pagkamatay noong 2017 at sa naging pahayag ni Pangulong Duterte noong 2016. Hindi nabigyan ng hustisya ang Pilipinas sa pagtatayang ito ngunit kinikilala natin ang pagtingin ng RSF. May sarili tayong tradisyon ng malayang pagpapahayag, batay sa legal at konstitusyunal na basehan, na patuloy na ipinatutupad sa tradisyunal na pamamahayag at sa sumisikat na online at social media.