Ni Bella Gamotea

Sa rehas ang bagsak ng isang Chinese makaraang gulpihin ang isang waitress nang kunin at kainin umano ang isang pirasong chicharon sa loob ng kainan sa Parañaque City, nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Wang Yongbin, 27, chef sa isang kainan na matatagpuan sa Quirino Avenue, Barangay Tambo ng nasabing lungsod.

Nagtamo naman ng mga pasa sa likod at katawan ang biktima na si Rutchel Taer y Jamero, 32, waitress sa nasabing kainan, at nakatira sa No. 022 Sitio De Asis Bicutan, Sari Martin de Porres, Parañaque City.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa ulat na ipinarating ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente sa kusina ng kainan, dakong 7:40 ng gabi.

Sa inisyal na pagsisiyasat, kinuha at kinain umano ni Taer ang isang pirasong chicharon na nakalagay sa lamesa na labis na ikinagalit ni Yongbin.

Sinuntok ni Yongbin ang likod ni Taer at bumuwal sa sahig at humantong sa pagpapambuno.

Natigil lamang ang komosyon nang umawat ang kanilang mga katrabaho.

Agad ini-report ni Taer ang insidente sa kanyang employer, at humingi ng tulong sa mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 2.

Sasampahan ang suspek ng kasong slight physical injury.