Ni Betheena Kae Unite
Inamin ni Customs Commissioner Isidro Lapeña na hindi pa rin nawawala ang kurapsiyon sa kawanihan sa patuloy na pagkakasangkot ng ilang tauhan nito sa pagtanggap ng “tara” o grease money.
Ibinunyag ni Lapeña nitong Lunes na ayon sa datos ng Customs, umaabot lamang sa P120,000 hanggang P180,000 ang nakokolekta nila sa bawat container van dahil sa patuloy na gawain ng “tara system.”
Inamin niya na matapos itong aksiyunan ay mayroon pa ring ilang empleaydo na patuloy sa kanilang mga ilegal na aktibidad “once they’ve seen an opportunity to make money for the wrong incollusion with some players.”
“If that is the collection, there is undervaluation somewhere dahil hindi dapat ganyan lang ang ating nakokolekta,” buntong-hininga ni Lapeña sa harapan ng lahat ng Customs employees sa flag raising ceremony nitong Lunes.
“If it is again reduced, it is because of you - ‘yung mga nangta-tara pa, it is not on the higher level, it is on the lower level. It is happening there,” aniya pa.
Binanggit din niya na umuusbong na naman ang sabwatan ng outside players at ilang empleyado sa loob ng bureau.
“Marami pa lang nakalusot sa’tin na hindi natin alam. And these are the things that we are going to address,” sabi ng customs chief.
Kaugnay nito, nanawagan si Lapeña sa intelligence unit ng bureau “to do better than what is being done now.”