Ni Bert de Guzman
SIYAM sa 10 Pilipino ay apektado ng mataas na presyo ng mga bilihin kung ang huling survey ng Pulse Asia ay paniniwalaan. Lumitaw na 86% ng adult Filipinos ay “strongly affected” ng pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin (basic goods) sa nakaraang tatlong buwan.
Ang biglaang pagtaas ng mga presyo ng bilihin ay isinisisi ng apektadong taumbayan sa TRAIN (Tax Reform Acceleration and Inclusion) ng Duterte administration. Lumaki nga raw ang take-home pay ng mga empleyado, pero tumaas naman ang bilihin sa grocery at palengke kaya bale-wala rin ang naiuuwi nilang pera.
Magandang balita sa buong mundo ang pagkikita at pag-uusap ng dalawang lider ng South at North Korea. Sila ay sina SK Pres. Moon Jae-in at NK leader Kim Jong-un na nagkita sa truce village ng Panmunjom na nasa loob ng demilitarized zone na naghihiwalay sa dalawang Korea.
Nakatutuwang makita ang mga larawan nina Moon at Kim na nagkamay, magkasabay na naglakad at nagyakapan sa kauna-unahang inter-Korean summit sa nakaraang mahigit na isang dekada. Ang dalawang lider ay parang sabik na magkapatid na muling nagkasundo at nagyakap.
“There will be no more war ni Korean Peninsula,” pahayag nina Moon at Kim matapos lumagda sa isang kasunduan. Nangako sila sa kumpletong “denuclearization of the Korean Peninsula” at magsisikap na makikipagtulungan sa US at China sa taong ito upang ideklara ang pormal na pagtatapos sa 1950s Korean War upang matamo ang pangmatagalan at solidong kapayapaan.
Ang pagkikita, pag-uusap, at pagkakasundo ng dalawang lider ng Korea ay inilarawan bilang “a day of smiles and handshakes.” Kaygaganda ng mga ginang nina Moon at Kim, kahali-halina.
Sana ay matamo rin ng minamahal nating Pilipinas ang kapayapaan sa Mindanao at sa iba pang panig ng bansa. Sana ay matapos na ang giyera at karahasan ng Abu Sayyaf, Maute Group/ISIS, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), at iba pang masasamang elemento.
Sana ay magkasundo ang gobyerno ng Pilipinas at ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF). Umaasa ang mga Pilipino na matutupad ito sa ilalim ng liderato ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD).