Ni Mary Ann Santiago

Libu-libong manggagawa ang nakibahagi sa mga kilos-protesta na isinagawa sa iba’t ibang lugar sa Maynila kahapon, kasabay ng pagdiriwang ng bansa sa Labor Day o Araw ng Paggawa.

Ayon sa Manila Police District (MPD), sa Mendiola pa lamang ay umabot na sa 5,000 manggagawa ang nakiisa sa kilos-protesta, bandang 11:30 ng umaga.

Gayunman, dahil sa manaka-nakang pag-ulan ay unti-unting nabawasan ang bilang ng mga ito at umabot na lamang sa 2,500, ganap na 1:15 ng hapon.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Ayon kay MPD Public Information Office (PIO) chief, Police Supt. Erwin Margajero, kabilang sa mga grupong nanguna sa rally ang Kilusang Mayo Uno (KMU), Bayan Muna, ACT, HEAD, Migrante, AHW, Anakbayan, Kadamay, Courage PM, Sentro, PS Link, Palea, Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), FFW at Sentro ng Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (Nagkaisa).

N a n a w a g a n a n g mga demonstrador na wakasan ang contractualization, na nakasisira umano sa pamumuhay ng isang ordinaryong manggagawa.

Hindi rin nagustuhan ng mga raliyista ang executive order (EO) na nilagdaan ni Pangulong Duterte, dahil “pro-employer” umano ito.

“Ano ang gagawin natin doon sa executive order na pinirmahan? Dapat ‘yan ibasura! Hindi tayo papayag sa executive order na ‘yan dahil ‘yan ay anti-manggagawa. Walang iniwan ‘yan doon sa DO 174 na pilit isinusubo sa atin ng DoLE,” ayon kay KMU Vice Chairman Lito Ustarez.

Sa kasagsagan ng protesta, sinunog ng mga militante ang effigy na “Du30monyo” sa Mendiola, Maynila.

Bukod sa Mendiola, nagkaroon rin ng pagtitipon sa tapat ng US Embassy; sa Plaza Salamanca, kung saan nagtipon ang 300 miyembro ng multi-sectoral groups; sa Liwasang Bonifacio, kung saan nagtipon ang nasa 100 miyembro ng Alyansa ng Manggagawa Laban sa Kontraktuwalisasyon; at sa Philippine Trade and General Workers; sa España/Blumentritt, kung saan nagtipon ang 80 miyembro ng Catholic Youth Organization; sa Isetann Recto, na dinagsa ng 1,000 miyembro ng multisectoral group; at sa Sta. Cruz church, kung saan nagtagpo ang 100 miyembro ng AGLO-BMP.

Kaugnay nito, naging mapayapa ang mga kilos-protesta, na binantayan ng 2,000 pulis ng MPD.