Ni MARY ANN SANTIAGO

Umabot s a 1 3 k a t a o , na kinabibilangan ng apat na bata, ang nasugatan nang araruhin ng truck, na nawalan umano ng preno, ang walong sasakyang nakasalubong nito sa Taytay, Rizal, kahapon ng madaling araw.

Ginagamot sa iba’t ibang ospital sina Zeus Akiko Pirello, isang taong gulang; Gabriel Carausos, isang taong gulang; Kyle Rading, 12; Tyron Lance Pirello, 15; Angelo Carausos, 20; Maricel Bisas, 45; John Marco Albao, 34; Ricardo Carausos, 56; Jose Luna, 52; Gladys Eugenio, 39; Melvin Tolentino, 29; Manuel Villamin, Jr., 36; at Norman dela Peña, 48 anyos.

Nasa kustodiya na ng Taytay Municipal Police ang driver ng truck na si Ramel Luis, 36, ng Guadalupe, Makati City.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Batay sa ulat nina PO2 Jerome Co at SPO1 Hector Cardinales, dakong 3:30 ng madaling araw nang mangyari ang aksidente sa Cabrera Road, sa kanto ng Manila East Road sa Kaytikling, Barangay Dolores, sa Taytay.

Nauna rito, galing sa Antipolo City ang Isuzu cargo truck na may crane (RND-768), na minamaneho ni Luis, nang pagdating sa naturang lugar ay mawalan ito ng preno.

Tinangka umanong iwasan ni Luis na mabangga ang terminal ng tricycle sa lugar kaya kinabig niya ang manibela at nag-counterflow, ngunit minalas namang araruhin ng kanyang sasakyan ang walong behikulong nakasalubong sa kalsada.

Pinagsasalpok ng truck ang Toyota Innova (FJH-672), na minamaneho ni Romano Guevarra, 49; ang Isuzu Highlander (WRF-622), na minamaneho ni Gilbert Daracan, 53; ang Kawasaki 125 tricycle na minamaneho ni Melvin Tolentino; ang Mitsubishi L300 De Luxe aluminum van (AAO-2265), na minamaneho ni Jerum Rosal, 24; ang Isuzu Crosswind, na may conduction sticker na CT-0411, at minamaneho ni Manuel Villamin, Jr.; ang Toyota Corolla (PNA-330), na minamaneho ni Norman dela Peña; at ang Kawasaki Barako 175 tricycle (WZ-1781), na minamaneho ni Jesus Opde.

Nadamay rin ang mountain bike na minamaneho ni Jojo Garcia, 26 anyos.

Abut-abot ang paghingi ng paumanhin ni Luis sa mga biktima, habang nahaharap siya sa reckless imprudence resulting in multiple physical injuries at multiple damage to properties.