Ni Danny J. Estacio

LUCENA CITY, Quezon – Patay ang dalawang hinihinalang tulak ng droga at 24 iba pa ang naaresto sa anti-narcotics operation sa isang matagal na umanong “shabu tiangge” sa Barangay Cotta sa Lucena City, Quezon, nitong Lunes ng hapon.

Kinilala ni Senior Supt. Rhoderick Armamento, director ng Quezon Police Provincial Office (QPPO), ang mga napatay na sina Jonathan M. Romano at Ruel Kuan, kapwa taga-Sitio Isla sa Purok Matahimik sa Bgy. Cotta.

Para sa nasabing operasyon, sinalakay ng pulisya ang Purok Matahimik, Purok Pagkakaisa, at Purok Masagana, pawang matatagpuan sa nasabing barangay.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ayon kay Senior Supt. Armamento, ipinatupad ng nagsanib-puwersang Quezon Provincial Drug Enforcement Unit, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Quezon, Special Weapons and Tactics (SWAT) ng QPPO, at 1st Company ng Provincial Mobile Force, ang mga search warrant laban sa mga suspek sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).

Subalit sa halip na sumuko ay nanlaban umano at pinagbabaril ng mga suspek ang mga pulis, na kaagad namang nakaganti, at napatay ang dalawa.

Kinilala naman ang mga naaresto na sina Ronel Cajarito, drug surrenderer; Edna Buitizon; Oscar De Luna; Mark Anthony Estacio; Reynaldo Barrun; Lorensita Ario; Crisanto Maring; Roy Mandak; Arnold Torres, na naaktuhan umanong nagsisibatak sa loob ng bahay ni Kuan.

Nakatakas si Roberto Baluyot, ngunit pinagdadampot ang mga naabutan sa loob ng kanyang bahay na sina Louie Rosa, Raymar Pedragosa, Dante Pantua, Roderick Baluyot, Ronald Baluyot, Angelo delas Alas, Gerwin Casapao, Reggie Nepales, at Daryl Pantua.

Arestado rin sina Danilo Buhay, Bimbol Veluya, at Jay Peña, pawang drug surrenderer; at sina Christopher Madlangbayan, Rafael Dimarucot, at Julius Semilla.

Nakakumpiska umano ang mga awtoridad ng nasa 35 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P115,000, walong plastic ng marijuana drug paraphernalia, isang .38 caliber revolver, isang homemade shotgun, isang .45 caliber pistol, at mga bala.